LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Hinihikayat ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang pamahalaan na iayon sa bawat lugar ang pagtugon nito sa oil crisis dahil hindi aniya pare-pareho ang tama nito sa iba’t ibang rehiyon at sektor sa bansa.
Sa isang Facebook vlog kamakailan, sinabi ni Cayetano na madalas ay Metro Manila lang ang sentro ng usapan kaya hindi lubos na nakikita ang tunay na kalagayan sa mga probinsya, isla, at malalayong komunidad.
“Ang tendency natin, dalawa: one is we talk (mainly) about Metro Manila and number two, when we talk, we’re talking as if buong Metro Manila is the same situation sa bundok, sa isla, sa bawat barangay sa ating bansa,” aniya.
“‘Pag nagbigay tayo ng tulong, ‘pag tayo naghanap ng solusyon, kailangan personalized ‘yan. Kailangan nakatutok ‘yan sa sitwasyon ng lugar,” dagdag pa niya.
Suportado ito ng datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA). Nitong March 2026, pumalo sa 4.3 percent ang inflation sa mga lugar sa labas ng National Capital Region (NCR), mas mataas kaysa sa 3.4 percent na naitala sa NCR.
Mas mabilis din ang itinaas ng transport inflation sa labas ng NCR na umabot sa 7.3 percent, kumpara sa 4.2 percent sa NCR.
Malaki rin ang agwat sa sahod sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Batay sa National Wages and Productivity Commission, umaabot sa P695 ang arawang minimum wage sa NCR, habang P455 lang sa MIMAROPA. Sa Eastern Visayas, pumapatak ang minimum wage sa P422 hanggang P452, habang sa Zamboanga Peninsula ay nasa P426 hanggang P439.
Pinatutunayan ng mga pagkakaibang ito ang punto ni Cayetano na hindi epektibo ang iisang halaga at iisang klase ng tulong para sa lahat.
Aniya, maski sa transport sector pa lang ay magkakaiba na ang bigat na pasan ng mga tsuper depende sa sasakyang minamaneho nila at ang uri ng ginagamit na krudo o gasolina.
“For example, P5,000 na ayuda. Kung taxi driver ka tapos gas ang gamit mo, kulang ang P5K. Pero kung jeepney driver ka at diesel ang sasakyan mo, [mas lalong kulang y’un]. So magkaiba sila ng sitwasyon,” aniya.
Sa ngayon, P5,000 ayuda ang ibinibigay ng gobyerno kada bus, taxi, at UV Express driver sa ilalim ng fuel subsidy program. Samantala, P1,500 naman ang natatanggap ng mga tsuper ng jeep, mapa-moderno o traditional unit.
Mas mabigat pa ang sitwasyon sa ilang off-grid area gaya ng Palawan, kung saan hindi lang sa transportasyon ginagamit ang gasolina kundi pati sa power generation.
Dagdag pa ni Cayetano, matindi pa rin ang isyu ng kawalan ng trabaho sa ilang lugar. Kaya sa ilang komunidad, baka hindi sapat ang fuel subsidy lang at kailangan ding samahan ng tulong panghanapbuhay o trabaho.
“Problemang problema talaga y’ung gasolina because [apektado nga] y’ung public transportation. Pero sa maraming rural areas, pagkain, presyo, at kawalan ng trabaho pa rin ang problema,” aniya.
Kaya diin ng senador, dapat nakabatay sa kumpleto at tamang datos ang magiging tugon ng pamahalaan.
“Kung mali ang facts natin, mali din ang conclusion natin. Kung mali ang figures natin sa pagbibigay ng ayuda, hindi magiging effective,” aniya.
Noong nakaraang taon pa isinusulong ni Cayetano ang pagpapalakas sa papel ng mga local government unit sa pagtugon sa pangangailangan ng kanilang komunidad, dahil sila aniya ang mas nakakakita ng tunay na kalagayan ng kanilang nasasakupan at mas nakakaalam kung anong tulong ang pinakanaaangkop para sa mga apektadong sektor. (UnliNews Online)

