CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ang isang lalaki matapos mahuling nasa kanyang pag-iingat ang isang motorsiklo na naiulat na ninakaw sa Barangay Siling Matanda, Pandi.
Base sa ulat ni P/Lt. Col. Nelson M. Sardin, Chief of Police ng Pandi Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente bandang alas-5:30 ng umaga noong Abril 16, 2026, at naaresto ang suspek bandang alas-9:30 ng gabi ng parehong araw sa nasabing lugar.
Kinilala ang biktima na isang 35 anyos, residente ng Brgy. Siling Bata, Pandi, Bulacan habang ang naarestong suspek na si alias JM, 33 anyos ay residente ng Brgy. Mapulang Lupa, Pandi, Bulacan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, naiulat ng biktima ang pagkawala ng kanyang motorsiklo na kulay itim. Agad namang nagsagawa ng flash alarm, Anti-Criminality Checkpoint, at pinaigting na “frog-leap” Oplan Sita ng Pandi MPS, na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek na natagpuang nasa kanyang pag-iingat ang naturang motorsiklo.
Napansin din ng biktima na may ilang bahagi ng motorsiklo ang pinalitan upang mabago ang itsura nito.
Kasalukuyang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 10883 (Anti-Carnapping Act) laban sa suspek sa Office of the Provincial Prosecutor sa Malolos City, Bulacan.
Sa pahayag ni P/Col. Jay B. Baybayan, Officer-in-Charge ng Bulacan Police Provincial Office (BPPO), pinuri nito ang mabilis at epektibong aksyon ng Pandi MPS na nagresulta sa agarang pagkakaaresto ng suspek at pagkakabawi ng ninakaw na motorsiklo, bilang patunay ng patuloy na pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad sa lalawigan. (UnliNews Online)

