CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ang isang Most Wanted Person (Top 1 Municipal Level) sa isinagawang operasyon ng mga operatiba ng Plaridel Municipal Police Station kamakalawa sa Brgy. Poblacion.
Base sa ulat ni P/Lt. Col. Restituto E. Granil, Hepe ng Plaridel MPS, kinilala ang naaresto na isang 44 anyos na seafarer, at residente ng Brgy. Tabang, Plaridel, Bulacan. Siya ay naaresto sa bisa ng Warrant of Arrest sa kasong Rape sa ilalim ng Article 266-A ng Revised Penal Code, kabilang ang dalawang bilang ng paglabag sa ilalim ng Art. 266-A, Par. 1(D), na inamyendahan ng RA 8353 at RA 11648, na inilabas ni Hon. Ma. Theresa Opiana Basilio, Presiding Judge ng Family Court, Branch 8, Cabanatuan City, Nueva Ecija noong Enero 5, 2023, na walang inirekomendang piyansa.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Plaridel MPS ang akusado para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Samantala, muling pinagtibay ni P/Col. Jay B. Baybayan, Officer-in-Charge ng Bulacan Police Provincial Office, ang patuloy na pinaigting na kampanya laban sa mga Most Wanted Person na indibidwal ay upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa lalawigan ng Bulacan, at mapanagot ang mga ito sa kanilang mga nagawang paglabag sa batas, maihatid sa hustisya ang mga biktima, at magsilbing babala sa sinumang magtatangkang umiwas sa pananagutan sa ilalim ng umiiral na batas. (UnliNews Online)

