CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Isang lalaking 49-anyos na most wanted person ang naaresto ng kapulisan sa isinagawang warrant service operation nung Linggo, bandang alas-4:15 ng hapon sa Brgy. Pagala, Baliwag City.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Jayson P. San Pedro, Hepe ng Baliwag City Police Station (CPS), ang akusado na kinilalang si alias “Ed,” at residente ng Brgy. Poblacion, Baliwag City, Bulacan. Ang suspek ay inaresto ng Tracker Team ng Baliwag CPS sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Qualified Rape at Acts of Lasciviousness sa ilalim ng Criminal Case Nos. 2247-M-2026 at 2248-M-2026.
Ang nasabing warrant ay inilabas noong Abril 24, 2026 ni Hon. Maria Zenaida Bernadette Tamayo Mendiola, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Third Judicial Region, Branch 80, Malolos City, Bulacan, na may inirekomendang piyansang P108,000.00 para sa kasong Acts of Lasciviousness habang walang inirekomendang piyansa para sa kasong Qualified Rape.
Ang naarestong akusado ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Baliwag CPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon bago iharap sa hukuman na naglabas ng warrant.
Sa pahayag ni P/Col. Jay B. Baybayan, Officer-In-Charge ng Bulacan Police Provincial Office, patuloy na pinaiigting ng kapulisan ang operasyon laban sa mga wanted persons upang matiyak na mapapanagot sa batas ang mga indibidwal na may kinahaharap na kaso at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan ng Bulacan. (UnliNews Online)

