CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Nasakote ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit ng Malolos City Police Station ang isang drug personality sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay San Vicente, City of Malolos nu’ng Huwebes ng gabi (Mayo 6).
Base sa ulat ni P/Lt. Col. Rommel E. Geneblazo, Hepe ng Malolos CPS, kinilala ang naarestong suspek na isang 44 taong gulang na lalaki at residente ng Brgy. San Vicente, City of Malolos.
Nakumpiska sa posesyon ng suspek ang 10 piraso ng heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na humigit-kumulang 1.4 gramo at may tinatayang halaga na P9,520.00, buy-bust money, isang cellular phone, at isang kalibre .38 revolver na walang trademark at serial number kasama ang 3 live ammunitions.
Nahaharap ang suspect sa kasong paglabag sa Section 5 at Section 11, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, gayundin sa paglabag sa RA 10591 o Illegal Possession of Firearm.
Dinala ang naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Malolos City Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.
“Patuloy nating paiigtingin ang ating kampanya laban sa ilegal na droga at loose firearms upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng bawat mamamayan sa Bulacan. Ang bawat matagumpay na operasyon ay patunay ng ating walang humpay na pagsisikap na sugpuin ang kriminalidad at papanagutin ang mga lumalabag sa batas. Nananatiling matatag ang Bulacan PPO sa pagbibigay ng serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman para sa isang mas ligtas at maayos na komunidad,” ani ni P/Col. Jay B. Baybayan, Officer-in-Charge ng Bulacan Police Provincial Office. (UnliNews Online)

