SA ikalawang araw niya bilang pinuno ng Senado kung saan dalawang priority measures ang naipasa sa Third Reading, iginiit ni Senate President Alan Peter Cayetano na hindi maaantala ang trabaho sa Senado sa kabila ng pagpapalit ng liderato.
Sa sesyon nitong Martes, May 12, 2026, sinabi ni Cayetano na hindi hadlang ang kasalukuyang reorganization ng mga komite sa pagpagpapatuloy ng mga kasalukuyang pagdinig, bicameral conferences, at iba pang trabaho sa Senado.
“The only things that are technically on hold are new hearings and the sponsorships on the floor pending designation of chairmen,” wika niya.
Dagdag niya, inaasahan niyang makapagpatawag ng all-Senator caucus sa lalong madaling panahon upang plantsahin ang committee assignments at mga nakabinbing panukala.
Paliwanag ng Senate President, batay sa rules at tradisyon ng Senado, maaaring magpatuloy ang mga komite hanbang wala pang pinal na itinalagang mga bagong chairman lalo na kung nasimulan na ang mga pagdinig at deliberasyon.
Binigyang diin din niya na mahalagang maiwasan ang anumang pagkaantala sa trabaho ng Senado, partikular sa mga panukalang may suporta mula sa parehong majority at minority.
Tiniyak ni Cayetano na hindi masasayang ang momentum ng mga panukalang kasalukuyang tinatalakay.
“Technically, you can. It’s just a matter of the majority leader, and the new majority would like that on the floor at the moment,” wika niya.
Sa gitna ng mga agam-agam kasunod ng leadership change, sinabi ni Cayetano na nananatiling gumagana ang Senado at patuloy na tinutugunan ang mga panukalang may direktang epekto sa publiko.
Naipasa sa Third Reading ang Senate Bill No. 1894 na magpapalakas sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act, at Senate Bill No. 1966 na naglalayong gawing permanente ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development. (UnliNews Online)
Larawan: Angie de Silva, ABS-CBN News

