Ni RONALYN CRUZ & VERNA SANTOS
LUNGSOD NG MALOLOS — Personal na ininspeksyon ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Charles Calima ang dalawang magkaibang flood mitigation project sa lungsod: ang flood control structure sa Ilog ng Calero at ang Nature-based Solution project sa Isla ng Pamarawan.
Ayon kay Mayor Christian D. Natividad, ang flood control project sa Ilog ng Calero ay nagdulot ng pagkikitid ng natural na lapad ng ilog. Ito ay dahil sa paraan ng pagpapatupad ng contractor na iniwasan na lamang ang mga kabahayan upang mapadali ang kontruksyon nang hindi isinaalang-alang ang masamang idudulot nito.

Dahil dito, dagdag pa ng alkalde, mas lumiit pa ang daluyan ng tubig at tumataas ang panganib ng pagbara at pag-apaw tuwing may malakas na pag-ulan. Sinabi ng lungsod na matagal na nilang ipinursige sa DPWH na aksyonan ang isyu. Kung hindi umano ito matutugunan, nakahanda na ang kaso na isasampa sa Korte Suprema.
Kasabay ng inspeksyon sa Calero, binisita rin ng grupo ni USEC Calima ang Isla ng Pamarawan upang tingnan ang kalagayan ng North Manila Bay Nature-based Flood Mitigation Solution.
Pinangunahan ni City Administrator Joel S. Eugenio ang site inspection. Ipinakita sa DPWH ang paggamit ng bamboo frames, sediment trapping units, at mangrove planting bilang proteksyon laban sa storm surge at coastal flooding.
Ang proyekto sa Pamarawan ay pilot area ng mas malawak na North Manila Bay Flood Protection Strategy. Pinopondohan ito ng Netherlands Enterprise Agency at ng City Government of Malolos na naglaan ng P130 milyong counterpart fund para sa 2024-2026.
Sa ngayon ay mayroon ng 70 milyon ang nagamit sa Phase 1 nito. Ayon sa disenyo ng Royal HaskoningDHV, layunin ng proyekto na bawasan ang pagpasok ng tubig sa isla, ibalik ang ecological balance, at magbigay ng dagdag na kabuhayan sa mga mangingisda sa loob ng 15 taon.
Sa pahayag ni Mayor Natividad, sinabi niyang pinaglakasan niya ng loob ang pagpupursige sa nature-based approach upang mabago ang nakasanayan nang paglaban sa baha na pagtataas ng kalsada.
“Panahon na tayo ay ’wag matakot bumalik sa mga sinaunang paraan ng pagmamaniobra sa tubig. Tigilan na ang pagtataas ng kalsada dahil hindi tayo matatapos sa baha hanggang kanya-kanyang taas ng kalsada ang gagawin,” ayon kay Mayor Natividad.
Inilapit ng inspeksyon kahapon ang dalawang magkaibang paraan ng pagtugon sa pagbaha: ang gray infrastructure sa Calero na naging suliranin dahil sa maling implementasyon, at ang nature-based solution sa Pamarawan na sumusubok na makipagkasundo sa daloy ng tubig.
Wala pang opisyal na pahayag mula kay USEC Calima matapos ang pag-iikot. Ngunit sinabi ng City Government na mahalaga na makita mismo ng DPWH sa ground ang epekto ng bawat proyekto upang matukoy kung alin ang mas napapanatili at mas makatutulong sa mga residente sa mahabang panahon.
Ang mga taga-Malolos ay patuloy na nagbabantay sa magiging aksyon ng DPWH sa isyu ng Calero, habang sinusubaybayan ang progreso ng NBS project sa Pamarawan. (UnliNews Online)

