CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ang isang lalaki matapos makuhanan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P374,000 sa inilatag na checkpoint ng mga operatiba ng Baliwag City Police Station sa kahabaan ng DRT Highway, Brgy. Pinagbarilan, Baliwag nu’ng Sabado ng madaling araw (Mayo 23).
Ayon sa ulat ni P/Lt. Eisbon L. Llamasares, Hepe ng Baliwag CPS, kinilala ang naarestong suspek na isang 47 anyos na driver at residente ng Brgy. Bulihan, Plaridel, Bulacan.
Batay sa ulat, namataan ng mga pulis ang suspek na nagmamaneho ng motorsiklo nang walang standard protective helmet at side mirror, paglabag sa RA 10054. Nang parahin ng mga awtoridad, tinangka umano nitong takasan ang checkpoint subalit agad ding naharang ng mga rumespondeng pulis.
Sa isinagawang inspeksyon, tumanggi umano ang suspek na sumunod sa mga kautusan ng mga otoridad at nanlaban, dahilan upang siya ay arestuhin dahil sa kasong Resistance and Disobedience to a Person in Authority.
Sa isinagawang lawful search incidental to arrest, narekober mula sa kanyang pag-iingat ang limang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na humigit-kumulang 55 gramo at nagkakahalaga ng tinatayang humigit-kumulang na P374,000.
Naipabatid sa suspek ang kanyang mga karapatang naaayon sa batas habang ang isinagawang imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya ay dinaluhan ng mga kinatawan mula sa DOJ/NPS, media, at isang halal na opisyal ng pamahalaan alinsunod sa umiiral na alituntunin.
Ang naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa kaukulang laboratory examination at drug testing habang inihahanda ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Section 11, Article II ng RA 9165, RA 10054, at Resistance and Disobedience to a Person in Authority. (UnliNews Online)

