CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado sa hot pursuit operation ang dalawang lalaking suspek sa pagnanakaw ng isang motorsiklo sa Barangay Sta. Rita, Guiguinto noong Monday (June 1).
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Allan B. Polomo, acting Chief of Police ng Guiguinto Municipal Police Station (MPS), kinilala ang biktima na si alias Cris, habang ang mga naarestong suspek ay sina alias Atan, 22 anyos, residente ng Brgy. Batia, Bocaue, Bulacan, at alias MJ, 25 anyos, residente ng Brgy. Tambubong, Bocaue, Bulacan.
Batay sa imbestigasyon, bandang alas-5ng umaga ay iniwang nakaparada ng biktima ang kanyang Yamaha Nouvo Z habang nakakabit ang susi nito. Makalipas ang ilang minuto, narinig niyang umaandar ang kanyang motorsiklo at nang kanyang suriin ay natuklasang nawawala na ito.
Agad na hinanap ng biktima ang kanyang motorsiklo gamit ang hiniram na sasakyan at kalaunan ay namataan niya ang suspek na si Atan na minamaneho ang naturang motorsiklo.
Hinabol ng biktima ang suspek ito hanggang sa Sta. Rita NLEX Bridge kung saan iniwan ng suspek ang ninakaw na motorsiklo at nagtangkang tumakas sakay ng isang berdeng Euromotors motorcycle na minamaneho ng kanyang kasabwat na si MJ.
Sa tulong ng NLEX Security personnel, mga Barangay Tanod ng Sta. Rita, at mga nagpapatrolyang tauhan ng Guiguinto MPS, agad na naaresto ang dalawang suspek at nabawi ang mga sangkot na motorsiklo.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Guiguinto MPS ang mga naarestong suspek at mga nabawing motorsiklo para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. Inihahanda na rin ang pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 10883 o Anti-Carnapping Act laban sa mga suspek sa Office of the Provincial Prosecutor sa Malolos City, Bulacan. (UnliNews Online)

