MALOLOS CITY, Bulacan — Walang proyektong water interceptor ang Lokal na Pamahalaan ng Malolos at walang kinalaman ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa itinayong proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilang lugar sa kahabaan ng McArthur Highway na tinawag nila na water interceptor.
Ayon kay City Mayor Christian D Natividad, sa Malolos ay magkakaroon pa lamang ng water impounding facility na ang magtatayo ay ang pribagong sektor. May ordinansa umanong pinaiiral ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos na nag-uutos sa mga business owner na magtatayo ng business establishment tulad ng mall sa siyudad na isama sa kanilang project plan ang paglalagay ng water imponding facility lalo na kung ang lugar na tatayuan ng establisimyento ay mababang lugar na binabahayan ng tubig o water catch basin.

May dalawang mall umano ang itatayo sa Malolos na kung saan ang mga ito ay naglaan ng mga espasyo para sa water impounding facility. Obligado umanong tumalima sa nasabing ordinansa ang mga komersyante sa paglalagay ng water impounding facility sa lugar ng kanilang mga establisimyento.
Sa ganitong ideya na water impounding system na kung saan ang tubig ulan ay kokolektahin at iipunin sa water impounding facility at puwedeng lagyan din ang pasilidad ng water treatment facility na siya namang magpu-purify sa raw water sa pamamagitan ng pag-filter at pagdi-disenfect sa tubig hanggang sa maging malinis at ligtas na gamitin ang tubig.
Tungkol naman sa impounding water interceptor ng DPWH sa sa lugar na nasasakupan ng Malolos sa McArthur Highway, hindi umano alam ni Mayor Natividad kung sinoman ang may ideya ng proyektong iyon ng pamahalaang nasyonal maging ang kapakinabangang niyon sa mga mamamayan dahil simula pa lamang anya ng gawin ang nasabing project ay nagdulot ng malaking perwisyo sa mga motorista dahil sa pagsisikip ng trapiko sa lugar ng proyekto. (UnliNews Online)

