CAMP GEN. ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ang isang lalaki matapos umanong magpaputok ng baril at mahulihan ng hindi lisensyadong armas sa isang operasyon ng pulisya sa Brgy. Batia, Bocaue, Bulacan, Huwebes ng madaling-araw (June 18).
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Gilbert C. Diaz, Hepe ng Bocaue MPS, kinilala ang suspek na si Alyas Tonjie, 29 taong gulang, residente ng Northville 5, Brgy. Batia, Bocaue, Bulacan. Siya ay inaresto bandang 1:10 ng madaling-araw sa isang bakanteng paradahan sa Northville, Brgy. Batia, Bocaue, Bulacan.
Ayon sa imbestigasyon, bandang 11:45 ng gabi noong Hunyo 17, 2026, nakatanggap ng ulat mula sa Barangay Batia ang mga operatiba ng Bocaue MPS hinggil sa isang indibidwal na umano’y paulit-ulit na nagpapaputok ng baril sa lugar. Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Bocaue MPS upang beripikahin ang ulat.
Pagdating sa lugar, itinuro ng isang concerned resident ang suspek at ipinaalam sa mga pulis na ito umano ay nagpapaputok ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril sa likod-bahay ng kanyang tirahan. Matapos ang beripikasyon, agad na inaresto ng mga pulis ang suspek. Nakumpiska mula sa suspek ang isang 9mm na baril na walang brand at may serial number na 969343.
Isusumite ang mga nakumpiskang ebidensya sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa ballistic examination, habang magsusumite rin ng kahilingan sa Firearms and Explosives Office (FEO) upang matukoy kung lisensyado ang suspek at kung rehistrado sa kanyang pangalan ang nasabing baril.
Nahaharap ang suspek sa kasong Alarm and Scandal sa ilalim ng Article 155 ng Revised Penal Code at paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. Kasalukuyan nang inihahanda ang kaukulang reklamong kriminal para sa pagsasampa sa Office of the Provincial Prosecutor sa Malolos City, Bulacan. (UnliNews Online)

