CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ang isang lalaki dahil sa kasong carnapping at iligal na baril matapos mabawi ng mga pulis ang ninakaw na motorsiklo sa Brgy. Agnaya, Plaridel, Bulacan noong Wednesday (June 17).
Ayon sa ulat ni L/Lt. Col. Restituto E. Granil, Hepe ng Plaridel MPS, kinilala ang suspek na si Alyas Berto, 31 taong gulang, residente ng Brgy. Sta. Ines, Plaridel, Bulacan.
Batay sa imbestigasyon, nakita umano ng 49 anyos na biktima ang suspek na pumasok sa kanilang compound at suriin ang mga nakaparadang motorsiklo. Makalipas ang ilang sandali, nakita siyang tangayin ang isang kulay abong Yamaha Mio Soul na may plakang 5943-RK nang walang pahintulot ng may-ari.
Agad na iniulat ng biktima ang insidente sa pulisya na nagsagawa ng follow-up operation at nagresulta sa agarang pagkakaaresto ng suspek at pagkakabawi ng ninakaw na motorsiklo. Nakumpiska rin mula sa kanyang pag-iingat ang isang kalibre .22 revolver na walang serial number at may tatlong bala.
Dinala ang suspek, kasama ang mga nakuhang ebidensya, sa Plaridel MPS para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso. Siya ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (UnliNews Online)

