LUNGSOD NG MALOLOS — Agarang kumilos ang mga awtoridad para maaresto ang isang 21-anyos na lalaki dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act 11313 o ang Safe Spaces Act sa Brgy. Bangkal sa nasambit na lungsod.
Batay sa isinagawang imbestigasyon, dakong alas-8:30 ng umaga noong Huwebes (June 25) ay iniulat na ipinakita ng suspek ang kanyang maselang bahagi ng katawan sa isang 14-anyos na estudyante habang nasa loob ng tindahan ng pamilya ng biktima. Kaagad na ipinaalam ng biktima ang pangyayari sa kanyang tiyuhin, na nagsuri sa CCTV footage ng tindahan at nakumpirma ang insidente.
Agad na humingi ng tulong ang pamilya sa Barangay Bangkal na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek sa pamamagitan ng mga Barangay Tanod. Matapos ang pag-aresto, dinala ang suspek sa Malolos City Police Station para sa wastong disposisyon at kasalukuyang nasa kustodiya ng himpilan ng pulisya.
Inihahanda na ng Malolos PNP ang lahat ng kinakailangang dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang kasong kriminal laban sa suspek sa City Prosecutor’s Office ng Malolos City.
Samantala, ang menor de edad na biktima ay dinala sa City Social Welfare and Development (CSWD) Office upang mabigyan ng counseling at iba pang kinakailangang intervention.
Muling paalala ng Malolos PNP sa publiko na mahigpit nitong ipinatutupad ang mga batas na naglalayong protektahan ang kababaihan, kabataan, at lahat ng mamamayan laban sa anumang uri ng “Sexual Harassment” at iba pang pang-aabuso. Hinihikayat din ang sinumang biktima o saksi ng kahalintulad na insidente na agad itong iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya upang agarang maaksyunan. (UnliNews Online)

