CITY OF SAN FERNANDO, Pampanga — Dalawang Iranian national ang naaresto ng mga operatiba ng Arayat Municipal Police Station matapos silang ireklamo ng ilang tindera dahil sa umano’y panlilinlang at pagnanakaw sa loob ng Arayat Public Market noong Thursday (June 25).
Ayon sa imbestigasyon, rumesponde ang mga pulis matapos makatanggap ng tawag mula sa market administrator hinggil sa kaguluhang naganap sa loob ng palengke. Sa pagdating ng mga awtoridad, napag-alamang isang vendor ang umano’y nabiktima ng modus ng mga suspek.
Batay sa salaysay ng biktima, nagpanggap na mamimili ang isa sa mga suspek at nagbayad gamit ang P1,000. Matapos mailagay ng vendor ang pera sa kanyang bag, hiniling umano ng suspek na ibalik ang ibinayad.
Habang kinukuha ng biktima ang pera, sinamantala umano ng suspek ang pagkakataon upang makuha hindi lamang ang kanyang ibinayad kundi pati ang humigit-kumulang P3,000 na benta ng tindera.
Nahuli umano ang suspek habang hawak pa ang perang pag-aari ng biktima, dahilan upang agad na humingi ng tulong ang mga saksi sa market administrator.
Sa isinagawang imbestigasyon, lumutang pa ang dalawa pang vendor na nagsabing nabiktima rin sila ng kaparehong modus.
Isa sa kanila ang nawalan ng pera matapos umanong makuha ng suspek ang kanyang ibinayad kasabay ng naunang naibigay na sukli, habang ang isa naman ay nawalan ng humigit-kumulang 7,000 na kita mula sa kanyang tindahan.
Nahaharap ang dalawang dayuhang suspek sa kasong Estafa sa ilalim ng Article 315 at Theft sa ilalim ng Article 308 ng Revised Penal Code. (UnliNews Online)

