CAMP ALEJO S. SANTOS, Bulacan — Naaresto ng mga operatiba ng Santa Maria Municipal Police Station (MPS) ang isang High Value Individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation na nauwi sa engkwentro Noong Miyerkules ng madaling araw sa Brgy. Guyong, Santa Maria, Bulacan.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Mark Louie M. Sigua, Chief of Police ng Santa Maria MPS, kinilala ang naarestong suspek na si alias “Don C,” 46 taong gulang. Isinagawa ang operasyon ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Santa Maria MPS sa pakikipag-ugnayan sa Bulacan PIU, Bulacan PIT East, RIU3, PPDEU, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Nagresulta ang operasyon sa pagkakaaresto sa suspek matapos itong mauwi sa engkwentro.
Sa operasyon ay nakumpiska ang humigit-kumulang 75.0 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na P510,000. Narekober din mula sa suspek ang isang Glock 9mm pistol, 8 bala ng caliber 9mm, 1 hand grenade, isang itim na Honda City, at ang ginamit na buy-bust money na P1,000 bill.
Agad namang rumesponde ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) at Provincial Explosive and Canine Unit (PECU) ng Bulacan upang iproseso ang pinangyarihan ng insidente.
Inihahanda na ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, kasama ang iba pang kaukulang paglabag sa batas, laban sa suspek. (UniNews Online)

