CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Tatlong indibidwal ang naaresto ng mga tauhan ng Pandi Municipal Police Station (MPS) matapos ang insidente ng alarm and scandal, physical injury, obstruction of justice, direct assault, at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, noong Linggo ng umaga (Aug. 16) sa Brgy. Mapulang Lupa, Pandi, Bulacan.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Nelson M. Sardin, Chief of Police ng Pandi MPS, kinilala ang mga naarestong suspek na sina alias “Jr,” alias “Riane,” at alias “Bri,” pawang mga residente ng Brgy. Mapulang Lupa, Pandi.
Base sa imbestigasyon, nagsasagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng Pandi MPS nang makatanggap sila ng radio call hinggil sa nagaganap na riot sa nasabing lugar. Agad na rumesponde ang mga pulis, katuwang ang mga Barangay Tanod.
Sa kanilang pagdating, isang lalaki na biktima ang lumapit sa mga pulis at nagsabing sinuntok umano siya sa kaliwang bahagi ng tiyan ni alias Bri. Agad namang inaresto ng mga pulis ang suspek, habang sina alias JR at alias Riane ay umano’y humarang at nanghimasok sa proseso ng pag-aresto, dahilan upang sila rin ay maaresto.
Dahil sa patuloy na pagdami ng mga taong nakikialam sa ginagawang pag-aresto, agad na dinala sa Pandi MPS ang mga suspek para sa kanilang kaligtasan at kaukulang dokumentasyon.
Sa isinagawang body search, 2 heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng puting crystalline substance na hinihinalang shabu ang nakumpiska mula kay alias Jr.
Ang mga ito ay may tinatayang kabuuang timbang na 10 gramo at tinatayang Standard Drug Price (SDP) na P68,000.00. Isinagawa ang inventory ng mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng isang halal na opisyal ng barangay at kinatawan ng media.
Ang mga naarestong suspek ay ipinaalam ang kanilang mga karapatang konstitusyonal o Miranda Rights. Ang mga nakumpiskang ebidensya ay isusumite sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa laboratory examination at drug testing, habang inihahanda ang kaukulang criminal complaints laban sa mga suspek para sa pagsasampa sa korte. (UnliNews Online)

