LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Target ng Department of Trade and Industry (DTI) na maipasok sa merkado ng Likhang Filipino Pavilion ng Center for International Trade Expositions and Missions (CITEM), ang mas maraming ‘Levelled-Up’ na mga One Town, One Product (OTOP) na likha ng mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa Gitnang Luzon.
Iyan ang binigyang diin ni DTI Regional Director Edna Dizon sa pagbubukas ng Level-Up Creative Fair sa Robinson’s Place Malolos.
Aniya, para makapasok sa Likhang Filipino Pavilion, kinakailangang makapasa ito sa mataas na pamantayan ng pandaigdigang merkado.
Ito ang lalong pinapaigting ng DTI sa pamamagitan ng flagship program nitong OTOP Next Generation upang mapabuti ang kalidad ng mga produkto sa larangan ng capacity, market access, capital, packaging at shelf life.
Ang Likhang Filipino Pavilion ay isang binuhay na programa ng CITEM na pinasimulan ni dating Unang Ginang Imelda R. Marcos noong dekada 70.
Matatagpuan ito sa international trading complex sa panulukan ng Gil Puyat Avenue at Roxas Boulevard sa Lungsod ng Pasay.
Muli itong binuksan sa publiko nitong unang bahagi ng 2026 sa inisyatibo ni First Lady Liza Araneta-Marcos.
Hindi lamang basta magiging display ang mga produktong maipapasok sa Likhang Filipino Pavilion, kundi maisasama ito ng CITEM sa mga nilalahukang international trade fairs and expositions sa maraming mga bansa sa loob ng isang buong taon.
Prayoridad din na madalan ng mga produkto ang mga bansang may free trade agreements ang Pilipinas.
Magbibigay ito ng malaking ambag sa ibinalangkas na 2023-2028 Philippine Export Development Plan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Magdudulot din ito ng mga oportunidad sa mga MSMEs na lumago mula sa kanilang kalalagayan sang-ayon sa MSME Development Roadmap 2023-2028 na inilatag din ng administrasyong Marcos Jr.
Ibig sabihin, hangad ng ahensiya na ang maiangat ang mga micro businesses bilang ganap na small business, maging medium category ang mga nasa small at tuluyang maging large scale business ang mga nasa medium-size businesses.
Bilang patunay sa pagsasakatuparan nito, ginawa ng DTI na maging isa nang regional trade fair itong Level-Up Creative Fair sa kauna-unahang pagkakataon mula nang unang ilunsad ito noong 2023.
Matatandaan na kinonsepto ng DTI-Bulacan ang naturang trade fair alinsunod sa Philippine Creative Industry Development Act o Republic Act 11904.
Isa itong panibagong uri ng trade fair ng ahensiya upang mapalitaw ang mga produktong nalikha na salamin ng mayamang sining, kultura, kalinangan at pamana maging ito man ay food o non-food products.
Aabot sa 42 na mga MSMEs mula sa iba’t ibang panig ng Gitnang Luzon ang mga kalahok dito mula sa sektor ng food and delicacies, fashion and accessories, handicrafts, home décor, wellness products, artworks, at iba pang creative products na nagtatampok ng pagkakakilanlan at pagkamalikhain ng isang partikular na bayan, lungsod o lalawigan. (UnliNews Online)

