Friday, September 4, 2026
Amana Water Park
HomeNational NewsNationwide School Safety Drill on Active Attack, isinagawa sa San Rafael, Bulacan

Nationwide School Safety Drill on Active Attack, isinagawa sa San Rafael, Bulacan

SAN RAFAEL, Bulacan — Bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng kahandaan ng mga paaralan laban sa posibleng insidente ng karahasan at iba pang banta sa seguridad, isinagawa ang nationwide simultaneous school safety drill on active attack sa Carlos F. Gonzales High School sa nabanggit na bayan nu’ng Thursday (Sept. 3).

Nakatuon ang aktibidad sa tamang paghahanda, mabilis na pagkilos, lockdown procedures, at koordinasyon ng mga guro, mag-aaral, school personnel, law enforcement agencies, at mga emergency responders sakaling magkaroon ng active attack o anumang seryosong banta sa loob o paligid ng paaralan.

(Cong. Cholo’s FB Page)

Layunin ng naturang drill na hindi lamang ipakita ang mga dapat gawin sa oras ng panganib, kundi matiyak na nauunawaan ng school community ang kahalagahan ng maagap at maayos na pagtugon. Sa ganitong paraan, nababawasan ang kalituhan at napapalakas ang kakayahan ng bawat isa na protektahan ang sariling buhay at ang buhay ng iba.

Nakiisa sa naturang aktibidad sina Cong. Cholo Violago ng Bulacan 3rd District, San Rafael Mayor Cipriano D. Violago, Jr., DILG Sec. Jonvic Remulla, USec. Malcolm S. Garma, Mayor Fernando Galvez ng San Ildefonso, Mayor Sonia Estrella ng Baliuag, Police Regional Office 3 Regional Director P/Brig. Gen. Jess b. Mendez gayundin ang mga lokal na DRRM personnel at PNP responders.

Mahalaga ang ganitong uri ng pagsasanay lalo na sa mga paaralan na araw-araw ay pinupuntahan ng libu-libong estudyante, guro, at kawani. Ang pagiging handa ay hindi nangangahulugang inaasahan ang isang insidente, kundi isang hakbang upang maging mas organisado at mas mabilis ang pagtugon sakaling dumating ang isang emergency.

Hinihikayat din ang mga magulang, guro, mag-aaral, at buong komunidad na magkaroon ng bukas na komunikasyon tungkol sa kaligtasan at agad ipagbigay-alam sa kinauukulan ang anumang banta o impormasyon na maaaring makatulong upang maiwasan ang isang insidente.

Sa usapin ng kaligtasan, bawat segundo ay mahalaga at bawat isa ay may pananagutan. Ang kahandaan, disiplina, at pagkakaisa ng buong komunidad ang unang depensa laban sa anumang banta. (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News