NUEVA ECIJA — Pinatawan ng preventive suspension ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang isang pulis ng Nueva Ecija matapos itong ireklamo sa kasong umano’y panggagahasa at pangmomolestiya sa isang 14-anyos na dalagita.
Kinilala ang inirereklamong pulis na si Patrolman Kaizer Santos Alfonso, na nakatalaga sa Nueva Ecija 1st Provincial Mobile Force Company.
Ayon sa NAPOLCOM, agad nilang ipinatupad ang preventive suspension upang matiyak na magiging patas ang isasagawang administrative proceedings at maiwasan ang anumang posibleng impluwensiya sa imbestigasyon.
Sa isang press briefing, humingi ng tulong sa NAPOLCOM ang guardian ng biktima, na kinilalang “Inday,” upang maisampa ang administrative complaint laban sa pulis at mailipat ang pagdinig ng kaso sa ibang lugar.
Ayon sa guardian, umano’y pinangakuan ng pulis ang menor-de-edad sa kabila ng pagiging may asawa nito at patuloy pa rin umano itong nakikipag-ugnayan sa dalagita sa pamamagitan ng Instagram.
Naglaan din ang NAPOLCOM ng psychological assistance para sa biktima at tiniyak na poprotektahan ang kanyang kapakanan habang nagpapatuloy ang proseso ng kaso.
Mariing kinondena ni NAPOLCOM Commissioner Ralph Calinisan ang umano’y ginawa ng pulis at iginiit na hindi nila kukunsintihin ang mga alagad ng batas na lumalabag sa batas at umaabuso sa mga kabataan.
Hinikayat din ng komisyon ang iba pang biktima ng pang-aabuso ng mga pulis na magsampa ng reklamo, kasabay ng pagtiyak na mananagot ang sinumang mapatutunayang nagkasala.
Pinuri rin ni Commissioner Calinisan sina PMAJ Ernesto V. Esguerra, hepe ng San Antonio Municipal Police Station, at PEMS Michell C. Nadudo ng Women and Children Protection Desk ng Nueva Ecija Police Provincial Office dahil sa kanilang mabilis na pagresponde sa insidente. (UnliNews Online)
Source: National Police Commission (NAPOLCOM) Press Release.

