CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ang isang 24-anyos na babae matapos umanong tumakas sa isinasagawang “Oplan Sita” at magtapon ng hinihinalang shabu sa Barangay Guyong, Sta Maria, Bulacan kamakailan.
Sa ilalim ng pamumuno ni P/Lt. Col. Mark Louie M. Sigua, Chief of Police ng Sta Maria MPS, nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga pulis, katuwang ang mga barangay tanod ng Barangay Guyong, nang mapansin ang suspek na isang 24-anyos na babae, na nagmamaneho ng motorsiklo nang walang suot na safety helmet.
Pinara ang suspek para sa routine inspection ngunit tumakas ito at itinapon ang isang coin purse na naglalaman ng humigit-kumulang 1.0 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng tinatayang P6,800.00.
Matapos ang maikling habulan, naaresto ang suspek at nabawi ang naturang ebidensya, kasama ang dalawang P100 bill at motorsiklong minamaneho nito. Isinagawa ang kaukulang inventory at dokumentasyon, habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Section 11 ng RA 9165, RA 10054, RA 4136, at Disobedience to a Person in Authority.
Ang mga nakuhang hinihinalang ilegal na droga ay isasailalim sa laboratory examination ng Bulacan Provincial Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri at dokumentasyon. Ang suspek ay ipinaalam sa kanyang mga karapatang konstitusyonal at isinailalim sa kaukulang legal na proseso. (UnliNews Online)

