Monday, September 7, 2026
Amana Water Park
HomeNational NewsBUFFEX, nais itanghal sa IFEX 2027 ng CITEM

BUFFEX, nais itanghal sa IFEX 2027 ng CITEM

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan (PIA) — Target ng Center for International Trade, Exhibitions and Missions (CITEM) na mas mai-level up pa ang mga produktong Tatak Bulakenyo na itinatampok sa taunang Bulacan Food Fair and Exposition (BUFFEX), na maitanghal na sa paparating na International Food Expo (IFEX) 2027.

Sa ginanap na 14th BUFFEX 2026, ipinahayag ni CITEM Deputy Executive Director Ma. Lourdes Mediran na garantisadong pasado nang maisama sa IFEX ang mga produktong Tatak Bulakenyo kung regular nang kwalipikado na lumalahok ito sa BUFFEX.

Nananatiling pinakamalaking bentahe ng mga produktong Tatak Bulakenyo ang sektor ng pagkain tulad ng ulang, bangus, alimango, alimasag, liempong baboy, mga gulay na high value commercial crops, organic rice, processed foods and juices, at sari-saring minatamisan na ginamitan ng bigas na malagkit at gatas ng kalabaw.

PASADO sa pamantayan ng Center for International Trade, Exhibitions and Missions (CITEM) ang mga produktong Tatak Bulakenyo na kwalipikadong lumalahok sa taunang Bulacan Food Fair and Exposition (BUFFEX). Kaya naman isinusulong ngayon ng CITEM na maitampok ang nasabing mga produkto sa paparating na International Food Expo o IFEX 2027 hanggang sa madala sa mga bansang may free trade agreements ang Pilipinas. (Kuha ni Shane F. Velasco)

Nagkakatugma aniya ng pamantayan ang BUFFEX na itinataguyod ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry (BCCI) at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, at ang IFEX na isang flagship program ng CITEM. Halimbawa na rito ang pagiging pasado sa sertipikasyon ng Food and Drug Administration (FDA) at Halal.

Taong 2012 nang pagtibayin ng Micro, Small and Medium Enterprises Development Council (MSMEDC) ang pagkakaroon ng BUFFEX upang itampok ang mga produktong Tatak Bulakenyo sa mas malalaking merkado. Isang aparato naman ng Department of Trade and Industry (DTI) ang CITEM upang matulungang madala, maibenta at maging regular sa pandaigdigang kalakalan ang mga produktong likha ng mga MSMEs.

Prayoridad ng CITEM ang pagtulong na mailahok ang mga MSMEs sa mga international trade fairs and expositions partikular sa mga bansang may free trade agreements ang Pilipinas. Base sa tala ng DTI, aabot na sa 23 na mga free trade agreements ang mayroon ang bansa sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Pinakamalaki rito ang Regional Comprehensive Economic Partnership o RCEP kung saan mas nagbukas ng mas maraming oportunidad na makapag-export sa malalaking merkado ng mga bansang kasapi sa Association of South East Asian Nations (ASEAN). Kalahok din sa RCEP ang mga dialogue partners nito na China, South Korea, Japan, Australia at New Zealand.

Habang pinakabago naman na nalagdaan ang Comprehensive Economic Partnership Agreement (CEPA) ng Pilipinas sa mga bansang United Arab Emirates (UAE) Chile. Kasalukuyang namang nirerepaso ang isang free trade agreement sa Canada, European Union at India.

Kaya naman iprinisinta ni Mediran na magkaroon ng Bulacan Pavillion para sa mga produktong Tatak Bulakenyo sa darating na IFEX na regular na idinadaos sa SMX Convention Center at sa World Trade Center sa Lungsod ng Pasay. Lalahok sa IFEX ang mga trade representatives at mga trading partners ng Pilipinas.

Kaugnay nito, positibo si Gobernador Daniel Fernando na maisakatuparan na makapasok sa IFEX ang mga itinatampok na produktong Tatak Bulakenyo. Kaya naman para lalong tumaas at mapanatiling maganda ang kalidad ng produksiyon ng mga produkto, ibinalita niyang hanggang sa halagang P500 libo na ang maaaring maipahiram ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan para sa mga kooperatiba na sumusuporta sa mga MSMEs. (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News