Thursday, July 30, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsUnang biyahe ng NSCR mula Valenzuela hanggang Malolos sa Disyembre 2027

Unang biyahe ng NSCR mula Valenzuela hanggang Malolos sa Disyembre 2027

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Makakasakay na muli ng tren ang mga Bulakenyo at mga taga Metro Manila ngayong aandar na ang North-South Commuter Railway (NSCR) sa unang pagbiyahe nito sa Disyembre 2027.

Iyan ang itinakda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang Ikalimang State of the Nation Address.

Dekada 90 pa nang huling dumaan ang mga tren ng Philippine National Railways (PNR) sa kaparehong ruta nito mula lungsod ng Valenzuela hanggang lungsod ng Malolos sa Bulacan.

Makalipas ng halos apat na dekada, unti-unti nang matutupad ang bisyong inilatag noong 1994 na magkaroon ng isang mabilis na tren mula Metro Manila patungong Malolos at hanggang Clark International Airport sa Pampanga sa kalaunan.

Ayon kay Robert James De Roque, head ng communications department ng Department of Transportation (DOTr), nasa 2,761 metro ng kabuuang 56,056 metro ng salubungang riles ng tren ang nailalatag na patungo sa bahagi ng Malolos.

Susundan naman ito ng pagkakabit ng mga electro-mechanicals tulad ng catenaries o ang linya ng kuryente na magpapatakbo sa mga tren ng NSCR.

Dito dadaan ang unang pitong trainsets ng NSCR na inisyal na bibiyahe.

Dalawang trainsets ang may initial testing na sa depot o garahe nito sa hangganan ng mga lungsod ng Meycauayan sa Bulacan at Valenzuela.

Sa ulat naman ni DOTr-NSCR Depot Engineer Kristian Ray Evangelista, may dalawang trainsets pa ang dadating sa Hulyo at Nobyembre 2026.

May tatlo pang trainsets ang inaasahang dadating sa depot mula sa Japan sa kalagitnaan ng 2027.

Kabilang ito sa 51 na mga commuter trainsets ng NSCR na bibiyahe kalaunan mula sa Clark International Airport hanggang lungsod ng Calamba sa Laguna.

Bukod dito, mayroon pang hiwalay na pitong trainsets para sa NSCR Express trains na hihinto sa mga piling istasyon tulad ng Clark International Airport, Malolos, Tutuban, Nichols, Alabang, at Calamba.

Binuo ito sa Japan na pawang mga brand new bilang bahagi ng kontrata sa nasabing bansa.

Samantala, umangat na sa 65 porsiyento ang completion rate o nagagawa na sa NSCR System partikular sa mga bahagi nito mula Valenzuela hanggang sa lungsod ng Mabalacat.

Puspusan na rin ang konstruksiyon sa bahagi ng Blumentritt hanggang sa Calamba.

Isang 147-kilometer train system ang NSCR mula Clark International Airport hanggang Calamba na pinakamahabang railway project na ginagawa ngayon sa Pilipinas.

Ito rin ang magiging kauna-unahang airport train sa bansa dahil sa pagkakaroon ng istasyon sa harapan mismo ng Clark International Airport.

Magkakaroon ito ng interlink alignment o magkakasalo ng mga riles ang mga tren ng NSCR sa magiging tren ng Metro Manila Subway Project Phase 1 sa bandang Food Terminal Inc. o FTI station sa Taguig.

Sinunod ng DOTr ang ruta ng PNR sa tinatahak na ruta ng konstruksiyon ng NSCR. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News