CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Nasakote ng pinagsanib na puwersa ng Balagtas Municipal Police Station, Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU), at Regional Intelligence Division 3 (RID 3) ang dalawa sa tatlong suspek na sangkot sa pamamaril na ikinasawi ng isang 28-anyos na babae sa Sitio Barmat, Brgy. Wawa, Balagtas, Bulacan noong Lunes (Hulyo 27) bandang 1:40 ng madaling araw.
Base sa ulat ni P/Major Mark Anthony L. San Pedro, Hepe ng Balagtas MPS, bunga ng isinagawang follow-up at hot pursuit operations katuwang ang Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) ay naaresto ang mga suspek na sina alyas “Teteng,” na nagsilbing lookout, at alyas “Unyok,” na itinuturong mastermind sa krimen. Samantala, patuloy na pinaghahanap ang suspek na kilala lamang sa alyas na “Jadi,” na umano’y siyang gunman sa insidente.
Sa operasyon, nakumpiska mula kay alyas “Unyok” ang tinatayang 16 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) na P108,800.00, gayundin ang isang Star Eibar Spain Caliber 9mm pistol na naglalaman ng siyam (9) na bala.
Batay sa masusing imbestigasyon, lumalabas na may kaugnayan sa iligal na droga ang motibo ng pamamaril. Patuloy naman ang isinasagawang operasyon para sa pagkilala at agarang pagkakaaresto sa gunman na nananatiling nakatatakas.
Pinuri ni P/Col. Jay B. Baybayan, Acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, ang agarang pagkilos ng mga operatiba na nagresulta sa mabilis na pagkakaaresto sa mga sangkot sa krimen. Binigyang-diin niya na hindi titigil ang Bulacan PPO sa mas pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad at ilegal na droga, at tiniyak na ipagpapatuloy ang pagtugis sa natitirang suspek upang mapanagot ang lahat ng may kinalaman sa insidente at maihatid ang hustisya sa biktima. (UnliNews Online)

