MEYCAUAYAN City, Bulacan — Patay ang isang ama matapos umanong pagsasaksakin nang paulit-ulit ng sarili nitong anak sa loob ng kanilang bahay sa Villa Samantha, Barangay Lawa, Meycauayan City, noong Martes (Sept. 8).
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-12:45 ng tanghali nang makarinig ng ingay at sigawan ang mga kapitbahay ng biktima. Nang silipin ang pinagmulan ng kaguluhan, nakita umano ng isang saksi ang biktima na paulit-ulit na sinasaksak ng suspek.
Agad na tumakas ang suspek matapos ang insidente at nagtago sa isang madamo at masukal na bahagi sa gilid ng ilog sa Barangay Lawa.
Kaagad namang inilunsad ng Meycauayan City Police Station, katuwang ang Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs) at mga residente, ang magkasanib na pagpapatrulya at hot pursuit operation sa lugar.
Mabilis na natunton at naaresto ang suspek, na kasalukuyang nasa kustodiya ng Meycauayan CPS para sa dokumentasyon, imbestigasyon at kaukulang disposisyon.
Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang buong detalye ng insidente, kabilang ang motibo sa krimen. Ayon sa paunang impormasyon, sinasabing may problema sa pag-iisip ang suspek, ngunit patuloy pa itong bineberipika ng mga awtoridad.
Ipinakita naman ng mabilis na pagresponde sa insidente ang kahalagahan ng koordinasyon ng pulisya, BPATs at komunidad sa ilalim ng Joint Police-BPATs Mobilization (JBM) Patrol System, na naglalayong mapabilis ang pagtugon sa mga krimen at iba pang insidenteng nangangailangan ng agarang aksyon.
Muling nanawagan ang kapulisan sa publiko na manatiling mapagmatyag at agad ireport sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang kilos o sitwasyong maaaring magdulot ng panganib upang maagapan at mabigyan ng nararapat na aksyon. (UnliNews Online)

