Friday, September 11, 2026
Amana Water Park
HomeNational NewsMahigit 100K Bulakenyong nasa transport sector, target ‘isakay’ sa PaSSSada Express ng...

Mahigit 100K Bulakenyong nasa transport sector, target ‘isakay’ sa PaSSSada Express ng SSS

PULILAN, Bulacan (PIA) – Sinalubong na ng Social Security System (SSS) Baliwag branch ang mga driver ng tricycle, dyip, bus kasama ang mga conductor nito, at maging ang mga pasahero sa kanilang terminal mismo.

Sa paglulunsad ng PaSSSada Express sa SM Center Pulilan Transport Terminal, ipinahayag ni SSS Vice President for Luzon Central 2 Gloria Corazon Andrada na layunin nitong matiyak na habang nasa kanilang mga kamay ang kaligtasan ng maraming tao na naglalakbay o bumibiyahe, mapapangalagaan din ang kanilang kinabukasan at kaligtasan sa panahon ng kanilang pagtratrabaho.

Target ng SSS na bukod sa masegurong nakakapaghulog ng tamang kontribusyon sa tamang panahon ang mga drivers at conductors, malaman din kung may mga nasa sektor na ito na hindi pa covered ng SSS.

Base sa tala ni Provincial Social Welfare and Development Office Head Rowena Tiongson, aabot sa 89,000 ang mga kasapi sa mga rehistradong tricycle operators and drivers association o TODA at humigit kumulang sa siyam hanggang 10,000 ang mga lehitimong jeepney operators at drivers sa Bulacan.

Bilang gateway patungong Metro Manila at papunta sa iba’t ibang lalawigan ng Gitna at Hilagang Luzon, malaking sektor sa Bulacan ang transportasyon lalo na ang mga nasa transport cooperatives dahil sa Public Utility Vehicle Modernization Program

Kaya naman dinala ng SSS Baliwag branch ang kanilang opisina sa SM Center Pulilan Transport Terminal upang makapagproseso ng mga pangunahing serbisyo partikular sa mga nasa sektor ng transportasyon.

Pangunahin na rito ang pagkuha ng SS Number, inquiries and verification, issuance of forms, annual confirmation of pensioners at mga online services.

Nakapaloob sa mga online services ang My.SSS account creation o reset, member data/contact details update, PRN generation, disbursement account enrollment, benefit claims application at ang salary loan application.

Kaugnay nito, nananatili namang isa sa malalaking tagapaghulog ng kontribusyon ng mga empleyado sa SSS Baliwag branch ang Baliwag Transit Inc. na nakabase sa Barangay Sabang sa Lungsod ng Baliwag.

Pangunahing kompanya ito ng bus na bumibiyahe sa maraming ruta sa Bulacan at Nueva Ecija.

Samantala, bukod sa SM Center Pulilan Transport Terminal, dinala rin ng SSS ang iba pa nilang mga opisina sa Pandi-Monumento Transport Terminal, MAPHAJODA Terminal-Eden Cinema Bldg. sa Malolos, Fortune Market Teraminal sa Marilao, Minuyan Road 2 TODA Terminal sa San Jose Del Monte at sa SAMPAJODA Terminal sa may palengke ng Santa Maria sa Bulacan.

Kasabay din nito ang mga inilagay din sa SM City Clark Transport Terminal 1 and 2, Mabalacat City Central Terminal, SM City Pampanga Terminal, at sa Olongapo-Tipo Transport Terminal. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News