Tuesday, September 15, 2026
Amana Water Park
HomeNational NewsAbalos: Alam ng ating Pangulo na dapat maramdaman sa baba ang tunay...

Abalos: Alam ng ating Pangulo na dapat maramdaman sa baba ang tunay na gobyerno

LUNGSOD NG PALAYAN (PIA) — Binigyang-diin ni Cabinet Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ang kahalagahang maramdaman ang presensya at serbisyo ng pamahalaan hanggang sa grassroot level.

Ito ang pahayag ni Abalos sa pagdaraos ng Handog ng Pangulo caravan sa Nueva Ecija, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-69 na kaarawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

“Sa tagal ko po sa gobyerno, ngayon ko lang nasaksihan na ang isang gobyerno nasyonal ibinaba ang programa na Local Government Support Fund sa probinsya, sa lungsod, sa bayan, sa barangay,” ani Abalos.

Bukod pa rito ang Socio-Civic Projects Fund ng Pangulo na nagbibigay ng scholarship na nagkakahalaga ng ?100,000 at karagdagang ?100,000 para sa proyekto, o kabuuang ?200,000 para sa bawat barangay sa buong bansa.

Ipinaliwanag ni Abalos na ginagawa ito dahil nais ng Pangulo na maramdaman ng mga mamamayan sa kanilang komunidad ang tunay na serbisyo ng pamahalaan.

“Dahil alam ng ating Pangulo na dapat maramdaman sa baba ang tunay na gobyerno,” ani Abalos.

Sa naturang aktibidad, sinabi rin ni Abalos na tinatayang higit kalahating bilyong piso ang halaga ng mga programang ibinaba sa lalawigan sa araw ng kaganapan, sa tulong ng lokal na pamahalaan at mga katuwang na ahensiya.

Hinimok niya ang mga Novo Ecijano na samantalahin ang mga serbisyong inilapit sa kanila, alamin ang mga tulong na maaari nilang mapakinabangan, at gamitin ang mga ito bilang oportunidad para sa kanilang pamilya, hanapbuhay, at kinabukasan.

Samantala, binigyang-diin naman ni Undersecretary for Economic Affairs Erwin Sta. Ana ng Office of the Executive Secretary na ang sukatan ng isang programa ng pamahalaan ay hindi lamang ang pondong inilaan o dami ng programang ipinatutupad, kundi kung nakararating ito sa mga tao at may naitutulong sa kanilang pamilya at komunidad.

“Ang mahalaga ay kung nakakarating ba ito sa tao, nakakatulong ba ito sa mga pamilya at nararamdaman ba ito sa mga komunidad. ’Yan po ang layunin natin ngayong araw,” ani Sta. Ana.

Ayon kay Sta. Ana, isinusulong ng administrasyon ang isang pamahalaang mas malapit sa mga Pilipino upang hindi na kailangang lumayo ng mga mamamayan para maramdaman ang serbisyo.

“Dapat ang serbisyo mismo ang lumalapit sa mga probinsiya, sa mga bayan, at hanggang sa mga barangay,” aniya.

Idinagdag niya na ang serbisyo ay dapat maging mabilis, tapat, at kapaki-pakinabang—mabilis dahil kailangan ngayon ang tulong; tapat dahil pera ng bayan ang ginagamit; at kapaki-pakinabang dahil ang sukatan ng programa ay ang tunay na maitutulong nito sa buhay ng mga Pilipino.

Ipinaliwanag din ni Sta. Ana ang diwa ng Bawat Bayan Makikinabang, kung saan magkakaiba man ang pangangailangan ng bawat bayan at barangay, pareho ang layunin na matiyak na may serbisyong umaabot kung saan ito higit na kailangan.

Kabilang sa mga programang binanggit niya ang LGSF rice assistance para sa pagkain at pang-araw-araw na pangangailangan ng mga pamilya, mga proyektong pang-imprastraktura, at P200,000 na tulong para sa bawat barangay sa ilalim ng Socio-Civic Projects Fund ng Pangulo.

Para kay Sta. Ana, ang pamahalaan ay hindi lamang namumuhunan sa mga gusali, kalsada, at iba pang imprastraktura kundi maging sa mga tao—sa pamamagitan ng pagkain para sa mga pamilya, scholarship para sa mga estudyante, serbisyong pangkalusugan, at suporta sa mga barangay.

“Kaya ang bawat pondong inilabas ng pamahalaan, ang tanong dapat natin ay simple: ano ang epekto nito sa buhay ng mga mamamayan?” ani Sta. Ana.

Binigyang-diin din niya na hindi nagtatapos sa paglalaan ng pondo ang isang programa dahil kailangang maisalin ito sa konkretong serbisyo sa pamamagitan ng maayos na koordinasyon at pagpapatupad.

Sa huli, sinabi ni Sta. Ana na ang tunay na kahulugan ng Handog ng Pangulo ay hindi lamang ang mga tulong na naihatid sa araw ng aktibidad kundi ang patuloy na pagsisikap na mailapit ang serbisyo ng pamahalaan sa mga Pilipino sa bawat probinsiya, bayan, at barangay.

Kabilang sa mga serbisyong hatid sa Handog ng Pangulo caravan sa Nueva Ecija ang mga sumusunod: financial assistance para sa mga naapektuhan ng kalamidad, pamamahagi ng Bawat Barangay Makikinabang Program at scholarships, solar-powered pump irrigation projects, E-Titles, EP/CLOA at loan releases, farm machinery, environmental services, tertiary education subsidy, livelihood grants at SPES payout, TESDA starter kits, allowance at scholarship vouchers, Aksyon Fund para sa OFWs at kanilang pamilya, at PhilHealth membership records at ID cards. (Camille N. Gavino)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News