CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Kulungan ang bagsak ng isang 52-anyos na lalaki matapos itong maaresto sa isang buy-bust operation ng mga pulis sa Barangay Dulong Malabon, Pulilan, Bulacan bandang alas-11 ng gabi noong Lunes (Sept. 14).
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Eric C. Cister, hepe ng Pulilan Municipal Police Station (MPS), kinilala ang naarestong suspek na si alias “Olan,” residente ng Brgy. Inaon, Pulilan, Bulacan.
Isinagawa ng mga operatiba ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Pulilan MPS ang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek matapos nitong bentahan ng hinihinalang shabu ang isang undercover police kapalit ng marked money.
Matapos ang transaksyon, agad na inaresto ng mga operatiba ang suspek at nakumpiska ang hinihinalang ilegal na droga.
Nasamsam din umano sa isinagawang operasyon ang isang baril, na isinama sa mga ebidensiyang isusumite sa kaukulang imbestigasyon at proseso.
Isasailalim sa dokumentasyon at pagsusuri ang mga nakumpiskang ebidensya habang inihahanda ng pulisya ang kaukulang kaso laban sa suspek.
Sa isinagawang operasyon, nakumpiska mula sa suspek ang 5 heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu, 1 caliber .38 revolver na may dalawang serviceable ammunition, isang marked buy-bust money, at isang black sling bag. Ang mga nakumpiskang hinihinalang shabu ay may kabuuang tinatayang bigat na 5.15 gramo at Standard Drug Price na P35,020.00.
Dinala ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Pulilan MPS para sa kaukulang documentation at disposition at isasailalim ang hinihinalang shabu sa drug testing at laboratory examination sa Bulacan Forensic Unit. Inihahanda na ang kaukulang criminal complaint laban sa suspek para sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (UnliNews Online)

