Tuesday, September 15, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsSINEliksik Bulacan, itinampok ang mayamang pamanang sining ng lalawigan

SINEliksik Bulacan, itinampok ang mayamang pamanang sining ng lalawigan

LUNGSOD NG MALOLOS — Itinampok ang mayamang pamanang sining at kultura ng Bulacan sa ginanap na 4th SINEliksik Bulacan Conference sa Valencia Hall ng Bulacan State University nu’ng Lunes (Sept. 14).

Binigyang-pugay sa kumperensya ang mahahalagang ambag ng mga Bulakenyong alagad ng sining sa panitikan, musika, sining biswal, arkitektura, sayaw, pelikula at teatro na naging bahagi ng paghubog sa pambansang pagkakakilanlan.

Layunin ng pagtitipon na palawakin ang pagkilala at pagpapahalaga sa mga likhang-sining at pamanang kultural ng Bulacan, lalo na sa mga susunod na henerasyon.

May temang “Alagad ng Sining na Bulakenyo, Dangal ng Lahing Pilipino”, ipinagdiwang ng kumperensiya ang pagtukoy sa Bulacan bilang lugar kapanganakan at tahanan ng ilang kilalang alagad ng sining at kultural na personalidad, kabilang ang ilang pambansang alagad ng sining ng Pilipinas, na ang mga gawa ay nag-iwan ng pangmatagalang marka sa kultura ng mga Pilipino.

Pinagnilayan ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan na si Virgilio Almario, na isa sa mga itinampok na alagad ng sining, at panauhing pandangal sa programa, ang pagkakakilanlan ng Bulacan hindi lamang bilang lalawigan ng mga bulaklak, kundi bilang lupain ng mga bayani at mga dakilang kultural na personalidad.

“Mabuti’t nakita ko noong isang araw ang isang lumang encyclopedia noong 1885. Noon daw panahon ng Espanyol, ang bayan ng Bulacan, bayan pa hindi pa lalawigan, ay bakasyunan ng mga prayle at retiradong opisyal. Bakit po? Sapagkat masarap ang simoy ng hangin at sagana sa makukulay na bulaklak ang bayan, kaya tinawag ang bayan na iyon na Hardin ng Pilipinas, at tinawag ang bayan na Bayan ng mga Bulaklak. Iyon ang pinungusan ng mga tinatamad na banyaga para maging Bulacan,” pagbabahagi ni Almario.

Kabilang sa mga itinampok na alagad ng sining sina Francisco Balagtas, Jose Corazon de Jesus, Florentino Collantes, Emilio Mar Antonio, Valeriano Hernandez Peña, Amado Hernandez, at Virgilio Almario para sa Literatura; Jose Joya, Guillermo Tolentino, Juan Arellano, at Carlos Santos-Viola para sa Sining Biswal, Iskultura, at Arkitektura; Nicanor Abelardo, Francisco Santiago, Francisco Buencamino, Sr., Ernani Cuenca, Antonino Buenaventura, at Constancio De Guzman para sa Musika; at Francisca Reyes Aquino, Alice Reyes, Gerardo De Leon, at Jose Perez para sa Sayaw, Pelikula, at Pagtatanghal.

Samantala, idiniin ng kinatawan ni Gobernador Daniel R. Fernando na si Crispin de Luna, na ang pagpreserba sa pamanang ito ay nangangailangan ng higit pa sa pag-alaala sa nakaraan.

“Ang kasaysayan ay hindi lamang dapat alalahanin, ito ay dapat saliksikin, ikwento at gawing bahagi ng buhay ng bagong henerasyon. Sa ating mga kabataan, ito ang ating paalala—hindi lamang kayo tagapakinig ng kasaysayan, kayo rin ang susunod na mananaliksik at magsasalaysay nito,” ani de Luna.

Pinarangalan din sa programa ang mga nagwagi sa SINEliksik Bulacan Jingle Making Contest, na nagbigay ng unang gantimpala kay Ezekiel Simon Malto, ikalawang gantimpala kay Ferry Baltazar, at ikatlong gantimpala kay Joven Molina. (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News