LUNGSOD NG MALOLOS — Sa pagdiriwang ng ika-10 taon nito, pinagsama-sama ng Kasalan at Okasyon Bridal Fair and Exhibit ang mga event supplier, florist, stylist, at iba pang malikhaing propesyonal para sa tatlong-araw na pagdiriwang na nakatuon sa sining, pagnenegosyo, at sa masiglang industriya ng pagkamalikhain ng lalawigan sa Robinsons Place Malolos mula Setyembre 11 hanggang 13, 2026, bilang bahagi ng Singkaban Festival 2026.
Sa pangunguna ng Bulacan Events Suppliers Association (BESA) katuwang ang Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office, itinampok sa pagdiriwang ang mga talento ng event industry ng Bulacan sa pamamagitan ng mga kumpetisyon, eksibit, workshop, at mga aktibidad na nagbigay-diin sa mahalagang papel ng mga lokal na malikhaing indibidwal sa ekonomiya ng lalawigan.
Tampok sa unang araw ang ikalawang edisyon ng BLOOM with BESA: “Where Petals Become Art,” isang flower-arranging competition na ginanap noong Setyembre 11, kung saan sinubok ng mga florist at stylist ng BESA ang kanilang pagkamalikhain at teknikal na kakayahan sa ilalim ng temang “Arrange It, Flaunt It, Bloom It!”
Nagwagi bilang kampeon si Mark Joseph Cruz Vistan na tumanggap ng plake at P5,000 perang papremyo, habang pumangalawa si Ronil Rioflorido na tumanggap ng plake at P3,000, at pumangatlo si John Joven Clara na tumanggap ng plake at P2,000.
Kinilala rin sa exhibit ang mga natatanging booth design, kung saan itinanghal na Best Booth ang Eventistry Events Specialist, sinundan ng RM Events bilang second placer at Likha Styling and Production bilang third placer. Tumanggap ang mga nagwagi ng mga plake at perang papremyo na magkakaiba ang halaga.
Samantala, nagsagawa rin ang BESA, katuwang ang Robinsons Malolos, ng espesyal na aktibidad para sa mga senior citizen na tinawag na “Grand Treats for Lolo & Lola” noong Setyembre 13 sa Level 1 ng Robinsons Malolos. Tampok dito ang mga espesyal na pagkain, wellness activities, at makabuluhang karanasan para sa mga lolo at lola bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-10 anibersaryo ng bridal fair.
Bilang dagdag sa malikhaing aktibidad, nabigyan din ng pagkakataon ang mga dumalong lolo at lola na matutunan ang sining ng flower arranging sa pamamagitan ng isang espesyal na workshop, kung saan naipamalas nila ang kanilang pagkamalikhain habang nakikibahagi sa isang masayang gawain kasama ang kapwa senior citizen.
Sa naturang aktibidad, binigyang-diin ni Nanunuparang Puno ng PHACTO Limuel Jan J. Lobederio ang patuloy na pagpapatibay ng ugnayan sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at BESA, at sinabing ang taunang pagdiriwang ay higit pa sa isang pagtitipon ng mga kabilang sa industriya.
“Kayo ang lumilikha ng mga trabaho, oportunidad, karanasan, at mga alaala. Kaya patuloy nating susuportahan ang mga plataporma tulad ng BESA na nagbibigay sa ating local creatives ng pagkakataong maipakita ang kanilang talento at mapalago ang kanilang mga negosyo. Inilalagay ninyo sa mas malaking entablado ang pagkamalikhain ng Bulacan,” ani Lobederio. (UnliNews Online)

