CITY OF SAN JOSE DEL MONTE, Bulacan — Ang Damayan Sa Barangay (DsB) Medical Mission ay matagumpay na naisagawa ang paghatid ng iba’t ibang libreng serbisyong pangkalusugan at pangkabuhayan para sa mga residente sa Barangay Kaypian sa nasabing lungsod noong Biyernes (Agosto 7).
Ang naturang programa ay bahagi ng patuloy na inisyatibong pangkalusugan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna nina Governor Daniel R. Fernando at Vice Governor Alex Castro katuwang ang Damayang Filipino Movement Inc. (DFMI) sa pamumuno ng Tagapangulo nitong si Athenie “Tenie” Fernando Ramirez-Bautista
Naging matagumpay ang programa sa tulong ng iba’t ibang katuwang na institusyon at mga NGOs kabilang ang The Community Program of PLDT, sa ilalim ng pangangasiwa ng kanilang Field Head na si Madam Jodie Meneses, na nagbigay ng mahalagang suporta sa pagsasakatuparan ng medical mission.
Libreng ipinagkaloob sa mga residente ang iba’t ibang serbisyo, kabilang ang medical consultation at pamamahagi ng mga gamot, dental services (bunot) na may kasamang libreng gamot, laboratory tests gaya ng ECG at X-ray, at pamamahagi ng mga medical assistive devices tulad ng BP apparatus, glucometer, nebulizer, wheelchair, at tungkod.
Kasama rin sa mga serbisyong ibinigay ang pamamahagi ng reading glasses, mga binhi at punla, libreng bakuna para sa mga aso at pusa, libreng gupit, at libreng masahe, bilang bahagi ng layunin ng programa na itaguyod ang pangkalahatang kalusugan at kapakanan ng bawat pamilya sa komunidad.
Ipinakita ng Damayan sa Barangay Medical Mission ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan ng pamahalaan at ng mga katuwang na organisasyon sa paghahatid ng maagap, dekalidad, at may malasakit na serbisyong publiko sa mga Bulakenyo.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga tagapagtaguyod ng programa sa lahat ng mga partner agencies, volunteer healthcare workers, at mga kawani at indibidwal na nakiisa at naglingkod upang maging matagumpay ang naturang medical mission.
Patuloy na isusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at ng mga katuwang nitong organisasyon ang mga programang nagbibigay ng direktang serbisyo at nagtataguyod ng mas malusog, mas ligtas, at mas maunlad na pamayanan para sa bawat Bulakenyo. (UnliNews Online)

