PANDI, Bulacan — Patuloy na inilalapit ng Pamahalaang Bayan ng Pandi ang mga programa at serbisyo nito sa mga barangay sa pamamagitan ng programang “Bawat Bayan Makikinabang,” kabilang ang pamamahagi ng bigas sa mga pamilyang nangangailangan.
Personal na pinangunahan ni Pandi Mayor Enrico Roque kasama ang ilang miyembro ng Sangguniang Bayan, ang paghahatid ng bigas sa mga ka-Pandieño bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan na maabot ang mga residente at mailapit sa kanilang mga komunidad ang mga pangunahing tulong at serbisyo.
Ayon sa alkalde, layunin ng programa na matiyak na mas maraming residente ang makikinabang sa mga serbisyong ipinagkakaloob ng lokal na pamahalaan, partikular ang mga pamilyang nangangailangan ng dagdag na suporta sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.

Sa pamamagitan ng direktang pagdadala ng tulong sa mga barangay, mas napapadali para sa mga residente ang pagtanggap ng mga programa ng pamahalaan. Kasabay nito, nagkakaroon din ng pagkakataon ang mga lokal na opisyal na direktang makita at marinig ang mga pangangailangan at hinaing ng kanilang mga nasasakupan.
Sinabi ng pamahalaang bayan na ang positibong pagtanggap ng mga Pandieño sa programa ang nagsisilbing dagdag na inspirasyon sa lokal na pamahalaan upang ipagpatuloy ang mga serbisyong may direktang pakinabang sa mga pamilya.
Binigyang-diin din ni Mayor Roque ang kahalagahan ng patuloy na paglapit ng pamahalaan sa mga mamamayan, lalo na sa mga barangay na nangangailangan ng suporta at serbisyo.
“Bawat Bayan Makikinabang” ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Bayan ng Pandi na maisulong ang mga programang nakatuon sa kapakanan ng mga residente at matiyak na ang serbisyo ng pamahalaan ay nararamdaman hanggang sa antas-barangay.
Patuloy naman ang lokal na pamahalaan sa paghahatid ng mga programa at serbisyong naglalayong makatulong sa mga pamilya, kasabay ng paninindigang maglingkod nang may malasakit, dedikasyon at malasakit sa bawat Pandieño. (UnliNews Online)

