LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna nina Governor Daniel Fernando at Vice-Governor Alexis Castro at Bulacan Police Provincial Office (BulPPO) sa ilalim ng pamumuno ni P/Col. Jay B. Baybayan ay magkatuwang sa isinagawang relief operation para sa mga residenteng naapektuhan ng Habagat na nagdulot ng malawakang pagbaha sa bayan ng Calumpit.
Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at Bulacan PPO, naipamahagi ang mga relief goods at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.
Higit pa sa materyal na tulong, naging simbolo rin ang aktibidad ng bayanihan, malasakit, at pagkakaisa, na nagpaalala sa mga apektadong pamilya na hindi sila nag-iisa sa pagharap sa mga pagsubok.

Sa gitna ng krisis at kalamidad, patuloy na ipinakikita ng Bulacan PPO ang kahandaang tumugon at makapaglingkod sa mga mamamayang higit na nangangailangan.
Sa pakikinig sa kanilang mga pangangailangan, pakikiisa sa mga apektadong komunidad, at agarang pagtugon sa panahon ng pangangailangan, higit na napapalakas ang tiwala at ugnayan ng kapulisan at ng mga taong kanilang pinaglilingkuran.
Kaagapay ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, mananatiling katuwang ang Bulacan PPO sa pagsusulong ng mas ligtas, matatag, at disaster-resilient na mga komunidad.
Patuloy nitong isasabuhay ang paninindigang maghatid ng “Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman” para sa bawat Bulakenyong nangangailangan ng tulong at malasakit. (UnliNews Online)

