Wednesday, September 30, 2026
Amana Water Park
HomeNational NewsNature-Based Solution project ng Malolos, sentro ng usapin sa ASEAN climate resilience...

Nature-Based Solution project ng Malolos, sentro ng usapin sa ASEAN climate resilience event

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Magiging sentro ng pagpapalitan ng kuru-kuro at kaalaman sa pagbabago ng klima o climate change ang makasaysayang lungsod makaraan dumating ang mga delegado mula sa iba’t ibang bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) para sa ASEAN Cross-Learning Event 2026 nitong Lunes (Setyembre 28).

Pinangunahan ni Malolos City Mayor Christian D. Natividad ang pagtanggap sa mga delegado para sa tatlong-araw na pagtitipon na may temang “Beyond the Risk: Strategic Choices for Climate Resilient Countries in ASEAN.”

Layunin ng programa na pagsama-samahin ang mga kinatawan at stakeholder mula sa ASEAN upang talakayin ang mga epekto at hamon ng climate change, gayundin ang mga makabagong estratehiya para palakasin ang disaster preparedness, risk reduction at climate adaptation sa mga komunidad.

MASAYANG sinalubong ni Malolos City Mayor Christian D. Natividad ang mga delegado mula sa mga bansang kasapi ng ASEAN para sa 3-day seminar na isasagawa sa naturang lungsod. (Photo courtesy of Malolos CIO)

Napiling pagdausan ng naturang cross-learning event ang Lungsod ng Malolos dahil sa mga hakbang nito sa paggamit ng Nature-Based Solutions (NBS) bilang bahagi ng pangmatagalang pagtugon sa mga panganib na dulot ng pagbabago ng klima.

Ayon kay Mayor Natividad, ang Malolos ang unang lungsod na nag-adopt ng isang Nature-Based Solution na idinisenyo ng Netherlands, na nagsisilbing halimbawa kung paano maaaring gamitin ang mga solusyong nakabatay sa kalikasan upang makatulong sa pagbuo ng mas ligtas at climate-resilient na komunidad.

Sa pamamagitan ng programa, ibinabahagi ng Malolos sa mga delegado ang mga karanasan at lokal na hakbang nito sa pagtugon sa pagbaha, matitinding kondisyon ng panahon at iba pang climate-related risks.

Kasama sa tatlong-araw na aktibidad ang mga talakayan, knowledge-sharing sessions at pagpapalitan ng mga karanasan at best practices ng mga kalahok mula sa iba’t ibang bahagi ng ASEAN.

Inaasahang magbibigay ang nasabing pagtitipon ng pagkakataon para sa mga kalahok na matukoy ang mga estratehiyang maaaring iangkop sa kani-kanilang bansa at komunidad upang higit na mapalakas ang kahandaan at katatagan laban sa lumalalang epekto ng climate change.

Para sa lungsod ng Malolos, mahalaga ang naturang inisyatiba sa pagsusulong ng mga solusyong hindi lamang nakatuon sa agarang pagtugon sa sakuna, kundi maging sa pangmatagalang pagpaplano, climate adaptation at paggamit ng nature-based approaches para sa mas matatag na kinabukasan.

Ang ASEAN ay kinabibilangan ng labing-isang nasyon: Ito ay ang Brunnei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Lao PDR, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand, Timor-Leste, Vietnam at Philippines. (UnliNews Online)

Source: Malolos City Information Office

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News