MANILA — Nagbabala si Senador Joel Villanueva sa posibleng epekto ng P9.757-bilyong bawas sa pondo para sa tuition assistance, na aniya’y maaaring makaapekto sa pagpapatupad ng mga reporma para mapalawak ang access sa higher education.
Kasunod ito ng mahigit 25-porsiyentong pagbaba sa panukalang 2027 budget ng Commission on Higher Education (CHED), na maaaring makaapekto sa mga programang nagbibigay ng tulong pinansyal at iba pang suporta sa mga estudyante.
Ang panukalang badyet ng CHED para sa taong 2027 ay P35.453 bilyon, na mas mababa ng P12.916 bilyon o 26.7% kumpara sa badyet nito noong 2026.
Sa kabila ng pagbawas sa pondo, ang alokasyon para sa Universal Access to Quality Tertiary Education, ang pondo ng gobyerno para sa libreng kolehiyo ay bababa mula P37.547 bilyon tungo sa P27.790 bilyon.
Ang pagbawas sa pondo ay kasabay ng nalalapit na pagpapatupad ng Republic Act No. 12325, ang batas na nagpapalawak sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
“We must also prepare for the implementation of Republic Act No. 12325, enhancing the Universal Access to Quality Tertiary Education Act, which we authored and co-sponsored,” sabi ni Villanueva sa budget briefing ng CHED at mga SUC.
Ayon kay Villanueva, 12.6% lamang ng mga estudyanteng nakatanggap ng Tertiary Education Subsidy (TES) noong unang semestre ng Academic Year 2025–2026 ang nagmula sa mga pamilyang kasali sa 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program).
Ang kakulangang ito ay naglalayong solusyunan ng Republic Act No. 12325 sa pamamagitan ng mas direktang pagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga mahihirap at nangangailangang mag-aaral.
“We authored this reform because the subsidy was not reaching the students who needed it most. A smaller budget makes that job harder, not easier,” ani Villanueva.
Pinuna rin ni Villanueva ang iba pang programa ng CHED na nakatanggap ng karagdagang pondo, kabilang ang Student Financial Assistance Programs ng komisyon, na may panukalang badyet na P3.185 bilyon para sa taong 2027 mula sa P2.154 bilyon ngayong taon. Dahil dito, lalawak ang bilang ng mga benepisyaryo mula 42,128 patungong 49,243.
Ikinatuwa naman ni Villanueva na nakatanggap ng sapat na pondo para sa susunod na taon ang programang Doktor Para sa Bayan, o ang Medical Scholarship and Return Service Program. Sa pamamagitan ng P1.232 bilyong alokasyon, susuportahan ng programa ang 4,557 kasalukuyang iskolar at magbibigay ng iskolarship sa 700 bagong mag-aaral ng medisina.
“We take note of the increase in our scholarship and financial assistance programs. More of our students are getting help, and we intend to keep pushing that number up,” sabi pa ni Villanueva. (UnliNews Online)

