KINILALA ang Lungsod ng Malolos bilang Regional Top Performer at National Nominee sa 2026 Fisheries Compliance Audit ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Region III, bilang pagkilala sa mahusay na pagpapatupad ng mga programa, polisiya, at pamantayan sa sektor ng pangisdaan.
Iginawad ang pagkilala sa seremonya ng PAGMAYA 2026 na ginanap noong Miyerkules (Oktubre 7) sa Royce Hotel, Clark, Pampanga.
Tinanggap ang parangal para sa lungsod nina Mayor Christian D. Natividad, City Agriculturist Dr. Romeo Bartolo, Aquaculturist I Erica Vanessa Bulaong, at DILG Malolos Local Government Operations Officer III Patricia Mariel Danganan.
Ipinakikita ng pagkilalang ito ang patuloy na pagsisikap ng pamahalaang lungsod na palakasin ang pamamahala sa pangisdaan at tiyakin ang maayos na pagpapatupad ng mga programang nagtataguyod ng responsableng paggamit at pangangalaga sa yamang-tubig.
Binigyang-diin din ng tagumpay ang mahalagang papel ng pagtutulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos, Office of the City Agriculturist, at DILG Malolos sa pagpapatupad ng mga programa at pagsunod sa mga itinakdang pamantayan sa pangisdaan.
Itinuturing na karangalan para sa buong lungsod ang pagkilalang ito, na nagsisilbing patunay ng patuloy na pagsisikap ng Malolos na isulong ang mahusay na pamamahalang lokal at napapanatiling pag-unlad ng sektor ng pangisdaan. (UnliNews Online)

