LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Umarangkada na ang pinakamalaking paligsahan ng pickleball sa kasaysayan ng Bulacan, tampok ang humigit-kumulang 80 koponan na maglalaban-laban sa Makata Cup ACPBL All Star Champions Pickleball League ni Vice Governor Alex Castro nu’ng Sabado (Oktubre 17) sa Bulacan Provincial Gym ng nabanggit na lungsod
Layunin ng torneo na higit pang palaganapin ang pickleball sa lalawigan at mabigyan ng pagkakataon ang mga atleta na maipamalas ang kanilang husay, talento at pagiging kompetitibo sa naturang isport.

Sa pagpupursige at pangunguna ni Bulacan Vice Governor Alex Castro, matagumpay na nailunsad ang naturang torneyo bilang karagdagang programa ng Makata Cup.
Ang mha koponan mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa buong lalawigan ng Bulacan ang nagpatala at lumahok. Hindi biro ang kanilang gagawing partisipasyon sapagkat dala ng bawat manlalaro ang pangalan ng kanilang bayan at ang determinasyong maipakita ang kanilang husay sa mabilis at nakaka-enganyo na laro ng pickleball.
Ayon kay Vice Governor Castro, higit pa sa kompetisyon ang layunin ng paligang ito.
“Isa itong paraan upang maipakita ng ating mga kababayang Bulakenyo ang kanilang talento at husay sa larong ito. Gusto nating hubugin sila at bigyan ng pagkakataon na makipagtagisan hindi lang sa lalawigan kundi sa pang-nasyunal na lebel,” ani Castro sa kanyang mensahe.
Dagdag pa ng bise gobernador, “ang pickleball ay isport na bukas para sa lahat – bata, matanda, lalaki man o babae. Isang isport na nagtataguyod ng pagkakaisa at malusog na pamumuhay.”
Nagpahayag naman ng buong suporta si Gobernador Daniel R. Fernando sa nasabing inisyatiba ni VG Castro. Sa kabila ng maraming pagsubok at kontrobersyal na usaping kinakaharap ng lalawigan, nanindigan ang gobernador na ang kalusugan ng bawat Bulakenyo ang mananatiling prayoridad.
Ayon kay Gob. Fernando, nakahanda ang Pamahalaang Panlalawigan na tumulong at sumuporta hindi lamang sa paligang ito ni VG Castro, kundi sa lahat ng programang pang-isport na makakabuti sa pisikal at mental na kalusugan ng mga mamamayan.
Ang isport ang isa sa pinakamabisang paraan para mapanatiling matatag, malusog, at nagkakaisa ang ating mga kababayan,” pagtatapos na wika ng gobernador. (UnliNews)

