CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ang isang 40-anyos na miyembro ng Diamla Criminal Gang sa bisa ng warrant of arrest sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 sa Gattaran, Cagayan kamakailan.
Base sa police report, kinilala ang suspek sa alyas na “Ulo,” na nadakip bandang alas-12:30 ng tanghali sa Barangay Newagac sa isinagawang intelligence-driven manhunt operation.
Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng JBM Kuyog System ni Police Brigadier General Jess B. Mendez, regional director ng Police Regional Office 3 (PRO3).
Ang operasyon ay isinagawa ng Tracker Team ng Bulacan Provincial Intelligence Unit, katuwang ang Bocaue Municipal Police Station bilang lead unit at ang PIU/PDEU ng Police Regional Office 2 at Cagayan Police Provincial Office.
Ang pag-aresto ay alinsunod sa warrant na inilabas noong Setyembre 16, 2026, ng Regional Trial Court, Branch 9, Malolos City, Bulacan, sa Criminal Case No. 6230-M-2026, kaugnay ng paglabag sa Section 5(i) ng RA 9262, na may inirekomendang piyansang P72,000.00.
Isasailalim ang suspek sa pisikal na pagsusuri sa Bulacan Medical Center bago dalhin sa tanggapan ng PIU para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
“Ang pagkakaaresto ng akusado ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng Bulacan PPO na tiyakin na walang sinumang nagtatago sa batas ang makaliligtas sa pananagutan. Sa pamamagitan ng intelligence-driven operations at mahigpit na koordinasyon sa iba pang yunit ng kapulisan, patuloy nating paiigtingin ang pagtugis sa mga wanted person upang maihatid sila sa hustisya. Mananatiling matatag ang Bulacan PPO sa pagpapatupad ng batas, pagpapanatili ng kapayapaan at pagprotekta sa mamamayan at sa layuning maghatid ng tapat, maagap, at makataong serbisyo publiko,” pahayag ni P/Col. Baybayan. (UnliNews Online)

