BINIGYANG-pugay ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules (June21) ang mga Pilipinong ama sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng tulong na makapagpapalago sa kanilang kabuhayan sa isang special episode ng programang Sampung Libong Pag-Asa (SLP) ng senador.
Unang ipinakilala ni Cayetano ang SLP program noong 2021 na nagbibigay ng tulong na nagkakahalagang P10,000 sa libu-libong pamilyang Pilipino bilang pang-ahon at pantawid sa panahon ng krisis na pinansyal.
Ipinalabas ang special episode noong June 21, 2023 kung saan itinampok ang 55 haligi ng tahanan mula sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.
Nakiisa si City of Taguig Mayor Lani Cayetano sa pagbibigay ng tulong, at nagpahayag ng paghanga sa mga benepisyaryong aniya’y nagsusumikap na gampanan ang kanilang responsibilidad na matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya at gabayan ang kanilang mga anak.
“Para sa mga tatay at mga tumatayong ama, happy Father’s Day po! Kayo ang gusto namin ni Kuya Alan na parangalan at bigyan ng kaligayahan sa special episode na ito,” ani Mayor Cayetano sa mga tatay.
Hiniling din ng Mayor sa mga benepisyaryo na gamitin para sa kabuhayan ng pamilya ang natanggap na tulong.
“Palagi po naming sinasabi na masarap tulungan ang gustong tulungan ang sarili nila. Gamitin niyo sana ito para mabuti ang inyong sarili, ang inyong buhay, at inyong kabuhayan,” pahayag niya.
Unang ipinakilala ni Cayetano ang SLP program noong 2021 bilang kakambal ng 10K Ayuda Bill, na inihain niya sa House of Representatives noong 18th Congress.
Nilalayon ng nasabing panukalang batas na bigyan ang bawat pamilyang Pilipino ng P10,000 na cash assistance upang matulungan silang malampasan ang kahirapan sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ngayon bilang Senador sa 19th Congress, patuloy na isinusulong ni Cayetano ang SLP na nagkakaloob ng parehong benepisyo sa pamamagitan ng panukalang Sampung Libong Pag-asa Law (Senate Bill No. 62) nang hindi ito maisama ng mga mambabatas sa isinabatas na Bayanihan 3 COVID-19 package. (UnliNews Online)