MEYCAUAYAN CITY — Makaraang masabat ang P35 milyong halaga ng smuggled frozen meat noong Martes, muli na namang nakakumpiska ang mga otoridad sa Barangay Pantoc sa nasabing lungsod nu’ng Huwebes (July 13) na nagkakahalaga ng P2.8 milyon.
Ayon kay Lt. Col. Jordan Santiago, Meycauayan City Police chief, ang naturang warehouse ay matatagpuan sa Boston Street, Meycauayan Industrial Subdivision, Barangay Pantoc kung saan walo katao ang inaresto habang naglalabas ng mga smuggled meat products.
Natukoy ang nasabing warehouse sa pamamagitan ng CCTV kung saan alas- 2 ng madaling-araw nitong Huwebes ng makitang ipinupuslit ang mga frozen meat products gamit ang refrigerated van.
Kinilala ni Santiago ang may-ari ng mga kontrabandong meat products na si Lim Josephine Lee at nakatakdang sunugin ang mga ito sa bayan ng Bustos.
Napag-alaman na hinuhugasan ang mga frozen products at pinapalitan ang mga pakete at expiration date bago muling ibenta sa merkado.
Nagmula umano ang nasabing produkto bansang India at Germany.
Samantala, pansamantalang naka-detained sa Meycauayan City police station ang 8 trabahador ng isang trucking company na ginamit sa pagpupuslit ng frozen products. (UnliNews Online)