LUNGSOD NG MALOLOS — Nilahukan ng 40 maliliit at lokal na mga mangangalakal sa lalawigan ng Bulacan ang nakilahok sa programang Kadiwa ng Pangulo noong Lunes (July 17) na inilunsad sa harap ng Kapitolyo kasabay ang grand launch ng nasabing programa sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga.
Pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ang naturang programa sa pamumuno nina Governor Daniel R. Fernando at Vice Governor Alexis C. Castro, sa pakikipagtulungan ng mga Panlalawigang Tanggapan ng mga ahensya ng Pamahalaan kabilang na ang Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal, NFA, DTI, DOLE, at DSWD.
Samantala, sa kabila ng maulan na panahon, dinayo ng tinatayang humigit-kumulang 3 libong tao ang nasabing pamilihan na dahilan upang agarang maubos ang mga panindang dala ng mga lumahok na negosyante.
Naging matagumpay ang paglulunsad ng programang Kadiwa ng Pangulo na layong maghatid ng murang mga bilihin sa mga bulakenyo, gayundin ay mabigyan ang mga maliliit na mangangalakal, magsasaka, at mangingisda ng lugar na paglalagakan ng kanilang mga produkto na walang binabayarang upa at masiguro ang pagkakaroon nila ng karagdagang kita. (UnliNews Online)