HINDI naman “puna” o “tira” ang ang laman ng aking artikulong Ala Bira. Meron din naman tayong papuri katulad ng mga ginagawang proyekto ni Congressman Eric Buhain.
Aba’y maganda ’yan. Maayos ang ginagawang paglilingkod ni Cong. Buhain sa mamamayan. Ang mga programa niya sa sports o palakasan at ang ayuda para sa mahihirap sa Unang Distrito ng Batangas ay talaga namang kahanga-hanga.
Sa kasalukuyan ay isinasagawa ang Eric Buhain Cup, ang inter-town basketball league na nilahukan ng walong munisipalidad sa naturang distrito ng Batangas.
Ang ayuda para sa mahihirap o ang medical assistance program na inilalapit nito sa mga ka-distrito ay talaga namang kahanga-hanga. Humigit kumulang sa 2 libong residente ang nabiyayaan ng nasabing programa para sa kalusugan.
Bilang isang atleta ay nais niyang palakasin ang Philippine Swimming Inc. at iba ang event na nasa ilalim ng aquatic.
Mabuhay ka Congressman Buhain. Sana’y lumawak pa ang ginagawa mong pagtulong sa iyong mga ka-distrito.
Madako naman tayo sa usaping PULITIKA sa probinsiya ng Batangas. Ayon sa aking reliable source, nakikita raw si dating senador at ngayon ay Kinatawan ng Kamara de Representante na si Ralph Recto sa Malacañang.
Aba’y hudyat na ba ito ng pagsanib nila sa partido ni President Bongbong Marcos sa Partido Federal ng Pilipinas? Kung ganun at kung sakaling tumuloy si dating Batangas Governor Vilma Santos na tumakbo uli bilang gobernador ng nasabing probinsya, ito ba rin ba ang kaniyang dadalhing partido?
Naku, tiyak na maraming ang aatras, katulad ni San Jose mayor patron at iba pang aspirante. Hindi sila tatakbo kapag lumaban si Ate Vi. Maliban kay Mataas na Kahoy Vice Mayor Jay Manalo Ilagan. Anito, ang atras niya umano ay pasugod. Tignan natin. Malayo pa naman ang susunod na eleksyon. Nangangamoy pa laang. Hehehe.
Pagpuna naman sa Mercury Drug sa pagbibibgay nila ng diskwento sa mga senior citizen. Alam naman ng marami na ang mga senior citizen ay meron ng maintenance para sa kani- kanilang karamdaman.
Ang isang malaking tanong ay bakit kahit uugod-ugod na ang isang senior citizen kapag bumili sa naturang drug store at naiwan ang reseta o sobra na sa bilang ang nireseta ng doktor ay hindi na binibigyan ng diskwento. Polisiya daw ’yun ng nabanggit na drug store.
Ganun ba ang polisiyang sinusunod ng lahat ng Mercury Drug sa bansa? Buong akala ng inyong lingkod ay lahat o basta senior citizen ay may karapatan sa nasabing discount na prorama ng gobyerno na ginawa pang isang batas.
Saan ba puwedeng magtanong tungkol dito? Tinatawagan natin ng pansin ang Department of Health. Baka naman puede ninyong sagutin ang usaping ito? (UnliNews Online)