Saturday, October 12, 2024
Amana Water Park
HomeBusinessUnang Central Business District sa Bulacan, lilikha ng inisyal na 25,000 trabaho

Unang Central Business District sa Bulacan, lilikha ng inisyal na 25,000 trabaho

MARILAO, Bulacan — Magbubukas ng 25 libo na inisyal na mga bagong trabaho para sa mga Bulakenyo ang magiging kauna-unahang Central Business District sa Bulacan.

Ito ang Northwin Global City na matatagpuan sa gilid ng southbound lane ng North Luzon Expressway o NLEX na sakop ng mga bayan ng Marilao at Bocaue. Makakatabi rin nito sa kanlurang bahagi ang ruta ng itinatayong North-South Commuter Railway o NSCR Phase 1.

Pinangunahan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang pormal na pagsisimula ng kumbersiyon ng nasa 85 na ektaryang lupa bilang isang Central Business District. May halagang P98 bilyon ang halaga ng pamumuhunan na inilalagak dito.

Aniya, patunay ito ng patuloy na pagiging isang Most Business Friendly ang Bulacan na magdadala rito bilang pinakabagong economic powerhouse ng bansa. Hahatak din ito ng mga bagong pamumuhunan sa larangan ng turismo, hospitality, real estate, franchising, information and communication technology at business processing outsourcing.

Base sa iprinisinta ni Noli Hernandez, executive vice president ng Megaworld Corporation na mamumuhunan dito, makakakita na ng inisyal na operasyon sa magiging Central Business District sa Marilao at Bocaue sa susunod na limang taon.

Isusunod ito sa konsepto ng Bonifacio Global City sa Taguig na matagumpay na naisakatuparan ng Bases Conversion Development Authority o BCDA at ang Ayala financial district sa Makati.

Kaya’t kabilang sa mga istrakturang itatayo sa Northwin Global City Central Business District ang mga corporate buildings, shophouses, hotels at mga mixed-use commercial towers.

Magkakaroon din dito ng mga high-rise residential condominiums kung saan ang pinakamataas ay 23 na palapag. Iba pa rito ang itatayong lifestyle mall, educational institutions, bike lanes, intermodal transport terminal at mga garden at open parks na 40% ng kabuuang disenyo nito.

Gagamitan ng renewable energy ang isusuplay na kuryente gaya ng solar-powered na LED streetlights, underground cabling system at fiber optic cabling.

Isang namang stormwater detention facility ang gagawin upang makapag-imbak ng tubig ulan upang maiwasan ang pagbabaha rito at sa kalapit na mga lugar. Gayundin ang pagtatayo ng iba pang sustainable infrastructure para sa epektibong transportasyon, maaasahang linya ng komunikasyon at malakas na internet.

Kaugnay nito, sinabi ni Department of Trade of Industry (DTI)- Bulacan Provincial Director Edna Dizon na ang pagdating ng mga malalaking pamumuhunan gaya nito ay resulta ng epektibong pagpapairal ng Republic Act 11534. Ito ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Law na nagpababa sa corporate income tax hanggang 20%.

Nagbibigay din ito ng investment-based performance-based, output-based at employment-based na tax incentives.

Samantala, tutulong ang Bulacan Chamber of Commerce and Industry (BCCI) na maging kwalipikado ang mas maraming Bulakenyo sa mga potensiyal na trabaho na bubuksan.

Ayon kay Cristina Tuzon, pangulo ng BCCI at kasapi ng construction board ng Technical  Education and Skills Development Authority (TESDA), magsasagawa ng labor at skill mapping ang BCCI upang matukoy kung sinu-sino ang potensiyal na manggagawa na mai-endorso sa TESDA upang mapagkalooban ng Training for Work Scholarship upang makatamo ng national competitiveness o NC II at NC III. (Unlinews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments