LUNGSOD NG MALOLOS — Sinuyod ng mga tauhan ni Senator Juan Edgardo “Sonny” M. Angara ang mga barangay ng anim na bayan na lubhang naapektuhan ng Habagat at mga Bagyong Egay at Falcon kamakalawa.
Kabilang ang mga bayan ng Hagonoy, Calumpit, Bocaue, Balagtas, Guiguinto at lungsod ng Malolos sa nabigyan ng karampatang ayuda mula sa nasabing senador.
“Kaawa-awa ang naging kalagayan ng mga kapatid natin sa Bulacan. Hindi tayo nagdalawang isip na kumilos agad pagkatapos humingi ng tulong ang ating kaibigan na si Sen. Joel na taga Bulacan. Ang dasal natin ay maagang makabalik sa kanilang normal na pamumuhay ang mga pamilyang apektado ng matinding pagbabaha,” ani Angara.
“Dapat magkaroon tayo ng pangmatagalan at permanenteng solusyon sa pagbabaha lalo na sa mga lugar na malapit sa mga ilog, dike at dam. Malaki ang pinsalang hatid ng mga baha na ito sa agrikultura, hanapbuhay, negosyo, sa ating ekonomiya at lalo na sa mga apektadong pamilya na kadalasan at hindi lang ang bahay at kagamitan ang nawawala kundi pati na ang mga mahal sa buhay,” dagdag pa ng senador.
Ayon sa Provincial Risk Reduction and Management Council ng Bulacan chief ret. Col. Manuel Lukban, mahigit 228,000 na pamilya mula sa 17 barangay ang apektado ng baha na dulot ng magkasunod na bagyong Egay at Flacon na nagdala ng walang tigil na ulan sa loob ng mahigit dalawang linggo.
Dahil dito, dagda pa ni Lukban, ay nakalagay na sa state of calamity ang buong probinsya ng Bulacan. Ang napinsalang imprastraktura at agrikultura ay tinatayang nasa halos P600 million ayon sa pamahalaang lokal ng Bulacan. (UnliNews Online)