CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado si Alyas Lolong na kilalang tulak ng iligal na droga sa isinagawang drug buy-bust operation ng Balagtas Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa Brgy. Santol, Balagtas nu’ng Martes (Aug. 8).
Sa ulat kay Col. Relly B. Arnedo, Bulacan provincial director, arestado si Federico Santos @Lolong matapos makumpiska ang tatlong (3) sachet ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) na P10,200 at marked money.
Kaugnay na balita, naglatag ng sunud-sunod na drug sting operations ang San Miguel at Angat SDEU na nagresulta sa pagkakaaresto sa 4 na drug peddler na kinilalang si Rowel Ventura ng Sta. Rita Bata, San Miguel; Jaycee Salceda ng Poblacion, San Rafael; Sina Ronald Santiago at Robin Santiago, parehong taga-Sta. Lucia, Angat.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang kabuuang 12 sachet ng hinihinalang shabu at buy-bust money.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) ang lahat ng mga naarestong indibidwal at ang mga nakumpiskang ebidensiya para sa kaukulang pagsusuri.
Mga reklamong kriminal para sa mga paglabag sa R.A. 9165 laban sa mga suspek ay inihahanda na para sa pagsasampa sa korte.
Samantala, ang masigasig na pagsisikap ng mga tracker team ng Bustos, Norzagaray, San Ildefonso, at Guiguinto PS ay humantong sa matagumpay na pag-aresto sa 4 na felon na wanted sa iba’t ibang krimen.
Ang lahat ng akusado ay kasalukuyang nasa kustodiya ng arresting station para sa kaukulang disposisyon.
Ang walang tigil na dedikasyon ng Bulacan PNP sa paglaban sa ipinagbabawal na droga at paghuli sa mga wanted person ay may kaugnayan sa mandatong itinakda ni Brig. Gen. Jose S. Hidalgo Jr., PRO3 regional director. (UnliNews Online)