Friday, September 20, 2024
Amana Water Park
HomeProvincial News‘Ang hustisya ay para sa lahat, at narito ito para palakasin tayo’...

‘Ang hustisya ay para sa lahat, at narito ito para palakasin tayo’ — Fernando

LUNGSOD NG MALOLOS- “Ang hustisya ay para sa lahat, at narito ito para palakasin tayo, bigyan tayo ng mas maganda at mas ligtas na buhay. Naka-tadhana ito para itaas tayo at iparamdam sa atin na dito sa ating demokratikong bansa, ang karapatan at kalagayan ng ating mga kababayan ang palaging nauuna.”

Ito ang diwa ng mensahe ni Gobernador Daniel R. Fernando sa ginanap na programa ng Limang Haligi ng Katarungan 2023 sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod nu’ng Lunes (Aug. 14).

Idinagdag ni Fernando na nakasandal ang mga naaapi sa limang haligi ng katarungan kabilang ang komunidad, tagapagpatupad ng batas, tagapag-usig, mga korte, at bilangguan at pagwawasto; at tungkulin ng mga haligi na ipakita ang totoong hustisya at magbigay sa kanila ng pag-asa.

“Marami ang hinuhusgahan ngunit ano ba ang katotohanan. Busisiin po nating mabuti, tingnan natin sapagkat nakasalalay po sa ating lahat ang kinabukasan ng taong uusigin, ang kanilang pamilya, gayundin ang kinabukasan ng kanilang mga anak. Kung hindi po sila magkakaroon ng tamang katarungan, marami ang magsasakripisyo,” anang gobernador.

Samantala, sinabi ni Sandiganbayan Associate Justice Maria Theresa V. Mendoza-Arcega na mahalaga ang access sa katarungan sa mga sektor ng lipunan upang pantay na maranasan ang kanilang mga karapatan.

“Mahalaga ang hustisya o katarungan sa kasaganaan at kaunlaran ng ating sibilisadong lipunan. Lahat tayo ay nakakaranas at naaapektuhan ng krimen na siyang banta sa pundasyon ng isang mapayapang lipunan,” ani Justice Mendoza-Arcega.

Pinuri rin niya ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Legal Office sa pagiging nag-iisang lalawigan sa bansa na patuloy na nagdiriwang ng Limang Haligi ng Katarungan.

Kinatawan ang Limang Haligi ng Katarungan nina Bulacan Police Provincial Office Provincial Director PCol. Relly B. Arnedo para sa Tagapagpatupad ng Batas; Public Prosecutor Ramoncito Bienvenido T. Ocampo, Jr. para sa Tagapag-usig; Bulacan Regional Trial Court Executive Judge Hermenegildo Caballero Dumlao II at Justice Mendoza-Arcega para sa Hudikatura; Bulacan Provincial Jail Warden PCol. Marcos C. Rivero, Parole and Probation Office sa pangunguna nina Isagani P. Villena at Cesar Lopez, Jr. para sa Bilangguan at Pagwawasto; at Pinuno ng Bulacan Public Attorney’s Office Abgd. Kristine Kay S. David-Manuel, Pangulo ng Integrated Bar of the Philippines-Bulacan Chapter Abgd. Bunrofil Altares, Provincial Legal Officer Abgd. Gerard Nelson C. Manalo, Bise Gob. Alexis C. Castro at Fernando para sa Komunidad.

Layunin ng pagdiriwang sa taong ito na nakaangkla sa temang “Modernong Pamamaraan Tungo sa Mabilis na Aksyon ng Hustisya” na suriin at pagtibayin ang mga proseso ng aksyon ng hustisya upang maging epektibo at produktibo para sa lahat. (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments