LUNGSOD NG MAYNILA — Muling nanawagan ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa hanay ng mga mamamahayag na maging propesyunal at iwasan ang iresponsableng estilo ng pagbabalita upang maiwasan ang maging biktima ng karahasan.
Ayon kay Usec. Paul M. Gutierrez, PTFoMS Executive Director, isa sa mga nakita nilang dahilan ng mga pag-atake laban sa mga kasapi ng midya ay ang pagiging iresponsable sa paggawa at pagpapahayag ng mga balita.
Kabilang dito ang pagiging propagandista ng mga pulitiko, partikular kung nalalapit ang halalan, at pagpasok sa, o pagiging protektor, ng mga gawaing iligal at kriminal.
Mas mainam, aniya pa, na gawing inspirasyon ng mga nasa hanay ng midya ang naging buhay at sakripisyo ni Gat. Marcelo ‘Plaridel’ Del Pilar, ang Ama ng Pamamamahayag sa Pilipinas at isa sa ating mga tunay at dakilang bayani.
“Isabuhay natin ang responsable at makabayang estilo ng pamamahayag katulad ng ginawa Gat. Del Pilar. Makatutulong ito upang mabawasan ang insidente ng karahasan sa ating hanay,” ani Gutierrez.
Ginawa ni Gutierrez ang pahayag sa pagpapasinaya ng busto ni Del Pilar sa bakuran ng National Press Club (NPC) bilang paggunita sa ika-173 taon ng kapanganakan ng dakilang bayani na kasabay din sa ika-2 taong pagdiriwang ng Pambansang Araw ng Malayang Pamamahayag batay sa itinadhana ng RA 11699.