LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Bilang bahagi ng paggunita ng Araw ng Kalayaan, muling umarangkada noong Sabado (June 15) ang mga Vespa riders sa muling pagsasaga ng Kasarinlan Ride 2 sa pangunguna ni Mayor Christian D. Natividad.
Ang Kasarinlan Ride ay isang pagtitipon ng mga Vespa motorcycle riders mula sa iba’t-ibang motorcycle clubs sa bansa kaalinsabay sa paggunita ng ika-126 taong Araw ng Kalayaan sa naturang lungsod.
Unang umarangkada ang Kasarinlan Ride noong taong 2023 na may layon na maisulong ang pagpapahalaga sa kasaysayang Pilipino, maging ang diwa ng kalayaan na siyang ipinaglaban ng ating mga bayani.
Ang gawain ay inorganisa ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa pangunguna ni Mayor Natividad, katuwang ang Malolos City Sports and Development Office, Motoscoot Vespa Aprilia, Philippine Motorcycle Tourism, Tourism Promotions Board Philippines, at Vespa Club Bulacan.
“Kami pong mga taga Malolos, ang lahat ng aming gampanin ay hindi lang para sa Lungsod ng Malolos bagkus ang lahat ng kaganapan na ito ay para sa ’yo, para sa akin, para sa bawat isang malayang Pilipino,” ani Mayor Natividad.
Dagdag pa ng alkalde, “’Yan po ang kahalagahan ng kaganapan na ito. Kahit sino man tayo, ano mang antas ng narating natin, ang pamana sa atin ay ligasiya ng ating mga ninuno.”
Suot ang tradisyonal na kasuotang Barong Tagalog at Filipiniana, sabay-sabay na tumungo ang mga riders sa kanilang historic ride kung saan ay nilibot nila ang mga makasaysayang lugar sa nabanggit na lungsod.
Nagsimula ang programa sa Liwasang Republika, patungo sa Barasoain Church, Casa Real Shrine, Old Malolos City Hall, Malolos Cathedral, Secretaria de Interior, Plaza de la Gobierno Militar, Casa Tribunal, Eskwelahan ng Kadalagahan ng Malolos, Secretaria de Fomento, Alberto Uitangcoy House, Dr. Luis Santos House, at pabalik sa Bagong City Hall.
Dinaluhan ang naturang event ng Vespa riders mula sa iba’t ibang motorcycle clubs kabilang na dito ang Motoscoot Vespa Aprilia Riders, Vespa Buds, Vespa Club of the Philippines, Vespa Smallframe Pilipinas, Queen of Vespa, Vespa Club of Quezon City, Vespa Club of Paranaque, Vespa Club of Valenzuela, Vespa Gana, Vespa Pilipinas, Vespa Pederasyon Pilipinas, at Vespa Club Bulacan.
Nagpamalas rin ng mahusay na folk dance performance ang mga kabataan ng Philippine Dance Cultural Club sa pagbubukas ng selebrasyon. Dumalo rin ang dating mayor ng Bustos, Bulacan na si Arnel Mendoza na sumama rin sa Kasarinlan Ride. (UnliNews Online)