LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Ang Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ni Mayor Christian D. Natividad katuwang si Arman Sta. Ana, head ng City Tourism Office ay naglunsad kauna-unahang “Senakulo Festival” na ginanap noong Linggo (April 2) sa harap ng bagong city hall.
Ito ay isang pagtatanghal ng buhay at pagpapakasakit ni Hesukristo at gagampanan ng mga pinagsama-samang senakulista ng Malolos.
Nagsimula ang pagtatanghal sa ganap na alas-5 ng hapon sa harap ng bagong city hall sa Barangay Bulihan.
Ang mga grupong nakilahok sa nasabing Senakulo Festival ay pinangunahan ng Senakulista ng Barangay Caingin, Samahang Senakulista ng Tikay, Senakulista ng Malanggam, Dularawan Foundation, at Barasoain Kalinangan.
Ang bawat grupo ay nagpakita ng kani-kanilang husay sa pagganap sa bawat eksenang nakatalaga sa kanila at bibigyan nila ng buhay.
Ayon kay Alexis Cruz, ng Senakulista ng Brgy. Caingin at gumanap bilang Kristo, ito diumano isang pagkakataon sa hanay ng mga senakulista na maipakita nila ang kanilang husay sa pagganap sa mga Malolenyo.
Dagdag pa ni Cruz, binigyan umano ni Mayor Natividad ang bawat grupong nakilahok at nakiisa sa naturang festival ng halagang P50,000 bilang pondo.
Ayon kay Mayor Natividad, nais niyang taon-taon ay magsasagawa ang mga grupong senakulista ng Malolos ng ganitong Senakulo Festival upang mas maipakita umano sa mga kabataan ang buhay at pagpapakasakit ni Hesukristo.
“Mas madaling maisasalarawan ng mga magagaling na senakulista sa lungsod ang pagpapasakit at pagpapapako sa krus ni Hesukristo sa isang malawak na espasyo at entablado,” ani Mayor Natividad. (UnliNews Online)