NANAWAGAN si Senator Alan Peter Cayetano kamakailan para sa isang komprehensibo at sabay-sabay na diskusyon ukol sa legalisasyon ng divorce, annulment, at pagpapalakas ng pagsasamang mag-asawa upang tiyakin ang balanseng pagtugon sa mga marital challenges sa bansa.
Sa isang panayam sa media nitong June 21, 2024, binigyang-diin ni Cayetano ang kahalagahan ng pamilya bilang pundasyon ng bansa.
“We have to talk about strengthening marriages, together with the talks about divorce and annulment. Dapat sabay-sabay na pagusapan ‘yan kasi nga ang pamilya pa rin ang pinaka-fundamental na unit ng ating bansa,” wika niya.
Ang House Bill No. 9349, o “An Act Reinstituting Absolute Divorce as an Alternative Mode for the Dissolution of Marriage,” ay pumasa na kamakailan sa third reading at ipinadala na sa Senado para sa mas masusing pagtalakay.
Kinilala ni Cayetano ang realidad ng “impossible marriages” kung saan ang pang-aabuso o iba pang mga hindi maresolbahang isyu ay gumagawa ng patuloy na hindi katanggap-tanggap na pagpapatuloy ng pagsasama.
Pero aniya, hindi maaaring hiwalay na pag-usapan ang divorce dahil nasa usapin din ang annulment at ang pagpapalakas ng samahang mag-asawa.
“There are impossible marriages, [tulad nu’ng] mga naaabuso y’ung isang spouse. But kung paguusapan natin na hiwa-hiwalay ang divorce, annulment, at strengthening the family, hindi tayo magkakaintindihan,” wika niya.
Inihayag ni Cayetano ang pag-asa na makakamit ang isang kasunduan sa mga isyu na ito at makahahanap ng pinakamabisang solusyon.
“How do you deal with those who are being abused? Do you do it by annulment or do you do it by divorce? If we talk about it nang sabay-sabay, tingin ko magkakaroon tayo ng consensus,” wika niya.
“Lahat ng problemang iyan ay mayroong solusyon,” dagdag niya. (UnliNews Online)