Thursday, September 19, 2024
Amana Water Park
HomeProvincial NewsFirst Scout Ranger at 70-IB ng Philippine Army, magkatuwang naglilikas sa mga...

First Scout Ranger at 70-IB ng Philippine Army, magkatuwang naglilikas sa mga lagpas-taong baha sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Inuna ng pinagsanib na pwersa ng First Scout Ranger Regiment (FSRR) at 70-Infantry Battalion ng Philippine Army at ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Bulacan, ang pagsasagip sa mga Bulakenyong inabot ng baha ang bubong ng kani-kanilang mga bahay.

Ito ay naaayon sa direktiba ni Gobernador Daniel R. Fernando na iprayoridad ang mga taga Marilao at Meycauayan na nasa ibabaw na ng kanilang mga bubong. Umabot na hanggang sa leeg ng tao at lagpas sa kesame ang taas ng baha rito kaya’t bubong na lamang ng bahay ang nakalitaw.

PATULOY ang ginagawang pagdestino ng mga tropa ng First Scout Ranger Regiment at ng 70-Infantry Battalion ng Philippine Army sa malawakang pagresponde at pagsagip sa mga Bulakenyong inabot ng baha ang bubong ng kani-kanilang mga bahay partikular sa Marilao at lungsod ng Meycauayan sa Bulacan. (Kuha ni Shane F. Velasco)

Ayon kay Staff Sgt. John Maxelle Lamano, team leader ng FSRR- team 2 sa misyong ito, may 21 tropa ang ipinadala ng FSRR upang lumahok sa pool ng mga rescuers ng PDRRMO.

Dalawang teams ito na gagamit ng tig-iisang 6×6 trucks na may lulan na kumpletong kagamitang pangsagip ng tao na nasa ibabaw ng bubong, rumaragasang tubig o anumang sitwasyon na maglalagay sa buhay ng isang indibidwal sa alanganin.

Partikular na tinungo ng mga tropa ang Northville relocation site sa Barangay Lambakin, Marilao, Bulacan na nakaranas ng ganito kataas ng tubig baha na umabot bubong ng isang palapag na bahay.

Ipinaliwanag ni Malou Tapican, officer-in-charge ng PDRRMO-Bulacan, na ito ang unang naitala ng PDRRMO na pinakamalalang naapektuhan ng Bagyong Carina sa lalawigan.

Dahil sa patuloy na maghapon at magdamagang walang humpay na pag-ulan simula noong Lunes, Hulyo 22, umapaw ang Marilao-Meycauayan-Obando River System (MMROS) na malapit sa Northville relocation site.

Ang 70-1B ng Philippine Army ay idinestino sa Marilao habang sa Meycauayan naman nagsasagip ang FSRR. Personal namang pinangasiwaan ni Bise Gobernador Alexis Castro ang rescue operations sa bahagi ng tulay ng Marilao at sa kalapit na crossing nito sa bahagi ng Mac Arthur Highway.

Kaugnay nito, ayon sa huiling ulat ng PDRRMO, aabot na sa 566 mga pamilya na katumbas ng nasa 2,067 na mga indibidwal ang naililikas na sa 34 evacuation center sa lalawigan. Sa loob ng mga bilang na ito, nasa 111 pamilya o 352 na mga indibidwal ang nailikas na sa Meycauayan. Habang 67 pamilya o 316 na mga indibidwal ang nasasagip na sa Marilao.

Samantala, ayon kay Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) Head Rowena Tiongson, pormal nang humiling ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ng mga family food packs sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Bilang inisyal na pagtugon ng ahensiya, parating na sa Meycauayan ang isang libong family food packs, isang libong bottled water, 500 sleeping kits, 500 family kits at 500 na mga hygiene kits partikular para sa lungsod ng Meycauayan.

Iba pa ito sa food packs na kasalukuyang ibinabalot ng PSWDO. Tiniyak ng gobernador na prayoridad na makakuha nito ang mga nasa evacuation areas at mga labis na nalubog ang malaking bahagi ng kani-kanilang mga tahanan. (UnliNews Online)

Source: PIA Bulacan

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments